NAG-sorry na si Sen. Chiz Escudero matapos mag-viral ang video ng isang sasakyang humarurot habang sinisita ng traffic enforcer sa bus lane ng EDSA, ang plate number kasi ay nakapangalan sa kaniya.
Isang luxury sport utility vehicle (SUV) na may “7” protocol plate ang tiniketan araw ng Huwebes dahil sa ilegal na paggamit ng exclusive bus way.
“The use of the protocol plate was unauthorized, as the vehicle was being driven by the driver of a family member,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Pero nilinaw ni Escudero na hindi siya ang gumagamit ng sasakyan nang mangyari ang insidente, pero inamin niya na miyembro ito ng kaniyang pamilya.
Inatasan naman na ng senador ang nagmamaneho ng sasakyan na humarap sa LTO bilang pagsunod sa show-cause order na inisyu habang nahaharap siya sa isang kaso at parusa.
Batay sa regulasyon, posibleng umabot sa P30,000 ang multa para sa mga sasakyang lumalabag sa patakaran sa EDSA bus lane.
Bukod sa mga bus, tanging pinahihintulutan lamang na gumamit ng EDSA bus lane ay mga ambulansiya, bombero, pulis at mga convoy ng Presidente, Bise Presidente, Senate President, House speaker, at Chief Justice.
“I do not personally use the protocol license plates issued to me, and forthwith the protocol plates involved in the incident will be surrendered to the [Land Transportation Office],” dagdag pa ni Escudero.
Kasunod ng insidente ay nagboluntaryo na rin ang senador na i-surrender ang protocol license plate sa LTO.
Pinuri din niya ang mga awtoridad sa ginawang pagsita at nagpahayag ng suporta sa hakbang ng gobyerno na nasusunod ang traffic rules and regulations sa Metro Manila sa kabila ng ranggo, titulo, o posisyon.
Humingi na rin siya ng paumanhin sa kaniyang mga kapwa senador dahil sa kaniyang nagawang pagkakamali.
Ang mga plakang may numerong siyete ay nakalaan lamang para sa mga senador. Iniisyu ang mga protocol plate para sa “kaginhawaan at kaligtasan” ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Pero ang LTO ay aminado na madalas itong naaabuso kung saan inililipat sa mga kamag-anak ng government officials na isang paglabag sa batas.