HABANG papalapit ang halalan sa Mayo a-dose, dama ang pangamba ng maraming overseas Filipino worker (OFW) hinggil sa magiging proseso ng kanilang pagboto.
Sa halos isang buwang pag-iikot ni Senador Robin Padilla sa Europa, personal niyang natanggap ang mga hinaing ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa—lalo na sa usapin ng online voting, na para sa ilan ay may kaakibat na panganib at kakulangan sa katiyakan.
‘‘Lahat po, lahat! Lahat po. Hindi ko po sinasabing mayroong pumapayag sapagkat wala po akong nakausap na pumapayag sa online. Lahat po sila ang pakiusap, gusto po nila yung dati nilang ginagawa,’’ ayon kay Sen. Robin Padilla.
Ang iba pa nga, gustong i-boycott ang eleksyon dahil sa kakulangan ng tiwala sa online voting.
Reklamo ng mga OFW, marami pa ang hindi nakakapag-rehistro para sa online voting.
Ang iba naman, inirereklamo na hindi nila ma-access ang kanilang data sa COMELEC pagkatapos magparehistro para sa internet polls.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang pre-enrollment para sa online voting ay itinakda mula Marso 20 hanggang Mayo 7, 2025.
Sa panahong ito, kailangang magparehistro ang mga overseas Filipino na botante para makakuha ng passcode na gagamitin sa pagboto online.
Nauna nang dumulog ang PDP-Laban sa Supreme Court upang ipahinto ang internet voting at ibalik ang manual na pagboto.
Ayon sa partido, walang batas na nagtatakda ng online polls.
Nais din nilang matiyak na mabibilang ng tama ang mga boto ng mga itinuturing na makabagong bayani.
‘‘Dahil meron pong mga OFW ang sigaw nila boycott nalang! Naku po pinuntahan ko po yan at pinakiusap ko sa kanila na kahit po mag-travel ako ng ilang oras pinuntahan ko po sila! At sinabi ko huwag kayong magboycott,’’ saad ni Sen. Robin Padilla.
Ang COMELEC ay nagtakda ng voting period para sa overseas Filipinos mula Abril 13 hanggang Mayo 12, 2025.
Pero, dahil sa sangkatutak na reklamo, ipinangangamba ng PDP-Laban na magkaroon ng disenfranchisement sa mga OFW na bigong makapag-rehistro para sa internet voting.
Aniya, ang Korte Suprema na lamang ang natatanging pag-asa sa isyung ito.
‘‘Hindi na po panawagan ng PDP ito. Panawagan na po ito ng ating overseas Filipino workers na ang Comelec ay bigyan sila ng pagkakataon. Meron pa namang panahon eh, isang linggo pa ang palilipasin natin bago ang i-implement todo-todo itong internet voting,’’ Atty. Raul Lambino.
Ayon sa datos ng COMELEC, tinatayang nasa 1.3 milyong overseas Filipino voters ang inaasahang lalahok sa kauna-unahang internet voting sa Pilipinas.
‘’98% po noong nakaraang eleksyon, 98% po ng mga OFW—Inday Sara po ang binoto. 98%! Kaya alam po natin, siguro naman po itong aming partido ay binabantayan po yan obviously pro-Duterte na yan na sentiment,’’ ani Atty. Jimmy Bondoc.
Sakaling hindi katigan ng Korte Suprema, tinitingnan ng partido ang pagsasagawa ng continuing exit polls sa lahat ng nakaboto na.
‘‘One month yung voting eh. So kung magre-report sila kaagad sa isang online command center sino ang binotohan nila, anong pangalan nila, kailan sila nagboto, yung registration number nila may data talaga tayo. So we can have clear data per area. Singapore, Hong Kong, doon sa Canada, doon sa Dubai,’’ wika ni Atty. Israelito Torreon.
‘‘Makikita natin yan ongoing kasi i-publish natin sa Facebook, makikita natin at alam natin. And then paglabas ng resulta ng COMELEC, atleast ma-compare natin kung maliciuosly different from our online poll exit which should be credible. Atleast may masabi tayo, may clear data tayo,’’ ani Torreon.
Ayon sa COMELEC, 77 Philippine embassies at consulates sa buong mundo ang lalahok at magiging venue ng internet voting.
Patuloy namang hinihikayat ng PDP-Laban ang mga OFW na huwag mawalan ng interes sa pagboto sa eleksyon dahil ito’y sagradong karapatan ng bawat Pilipino.
Follow SMNI News on Rumble