Sen. Robinhood Padilla, humiling ng ‘konsiderasyon’ para kay Pastor Quiboloy vs Contempt Order

Sen. Robinhood Padilla, humiling ng ‘konsiderasyon’ para kay Pastor Quiboloy vs Contempt Order

PORMAL na humiling si Sen. Robinhood Padilla ng konsiderasyon para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Pastor Apollo Quiboloy laban sa contempt order mula sa Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Sa kaniyang privilege speech nitong Lunes, hiniling din ni Padilla na mabigyan ng daan ang pagpapalabas ng Show Cause Order kay Pastor Apollo sa susunod na pagdinig ng komite, sa dahilang kaligtasan at kaniyang pag-ambag sa lipunan.

“Bilang pangwakas po, nais ko pong ihayag sa opisyal na rekord ang ating kahilingan: ang mabigyan po ng konsiderasyon ang hiling ni Pastor laban sa contempt order ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, at mabigyan ng daan ang pagpapalabas po ng Show Cause Order kay Pastor sa susunod na pagdinig,” pagpapahayag ni Sen. Robinhood Padilla.

Iginiit ni Padilla na malaki ang naiambag ni Pastor Apollo sa paglaban sa banta ng New People’s Army (NPA), sa pamamagitan ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Dagdag niya, may mga banta sa personal na kaligtasan ang butihing Pastor, kung kaya’t kailangang niyang piliin ang pag-iingat sa paglabas sa pampublikong lugar.

Bukod pa rito ang anunsiyo ng Estados Unidos ng paghahain ng sakdal laban sa kaniya.

‘‘Bilang paglilinaw, hindi po niya tinatalikuran ang obligasyong sagutin ang mga paratang sa kanya. Ang nais po niya ay sagutin ito sa tamang espasyo kung saan matatamo niya ang isang patas na pagdinig at paggalang sa kanyang karapatan sa due process,” ayon pa kay Sen. Padilla.

Ani Padilla, tumulong si Pastor Quiboloy sa paglaban sa banta ng NPA sa pamamagitan ng SMNI network na inere ang pelikulang “Memoirs of a Teenage Rebel” upang makapaghatid ng mensahe sa mga kabataang tina-target upang maging bahagi ng armadong pakikibaka.

Dahil sa suporta ng SMNI, aniya, maraming nagbalik-loob na rebelde.

Dagdag niya, nagbigay ng suporta ang SMNI sa whole-of-government approach laban sa insurhensiya na isinusulong ng NTF-ELCAC.

Bukod dito, SMNI lamang ang network na umere ng dokumentaryo ni Padilla na “Isang Linggong Pag-Ibig,” patungkol sa kalagayan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).

Higit sa lahat, iginiit ni Padilla na ang mga akusasyon laban kay Pastor Apollo ay nasa bakuran na ng Department of Justice (DOJ) na kanilang isasampa na sa naaayong korte.

Dahil dito, aniya, hindi na magkakaroon ng saysay ang pagdinig sa Senado dahil nasa kamay na ng hudikatura ang pagpapataw ng desisyon kung sino ang inosente at kung sino ang nagkasala – at masyado nang magastos kung talakayin pa ang kaso niya sa Kongreso.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble