Sen. Sonny Angara, itinalaga bilang bagong kalihim ng DepEd

Sen. Sonny Angara, itinalaga bilang bagong kalihim ng DepEd

ITINALAGA ng Pangulo si Senador Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara bilang bagong kalihim ng Department of Education (DEPED).

Si Angara ang papalit kay Vice President Sara Duterte na nagbitiw sa posisyon noong Hunyo 19, 2024.

Ginawa ang anunsyo sa ginanap na ika-17 Cabinet Meeting sa Palasyo ng Malakanyang nitong Martes, Hulyo 2.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), si Angara ay may malawak na ‘legislative history’, na nagtaguyod ng makabuluhang mga repormang pang-edukasyon mula nang siya’y maging senador noong 2013.

Kasama sa kanyang naunang ‘legislative work’ ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act at ang Enhanced Basic Education Act of 2013 (K-12).

Malugod na tinanggap ni Senador Angara ang pagkakatalaga sa kanya bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.

Aniya, nakatuon siya sa pakikipagtulungan sa lahat ng sektor ng lipunan, kabilang ang kanyang hinalinhan na si VP Sara Duterte.

“I am committed to working with all sectors of society, including my predecessor, Vice President Sara Duterte,’’ ayon kay Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara Incoming Secretary of DepEd.

Tiniyak din ni Angara na ang bawat batang Pilipino ay may access sa de-kalidad na edukasyon.

‘’To ensure that every Filipino child has access to quality education. I look forward to building upon her accomplishments,” saad ni Angara.

Sisikapin din niyang lumikha ng mas magandang kinabukasan para sa bansa sa pamamagitan ng edukasyon.

Bumuhos naman ang suporta ng mga senador sa pagkakatalaga kay Angara bilang bagong DepEd secretary.

Sinabi ni Senator Juan Miguel Zubiri na naniniwala siyang higit pa sa kwalipikado ang senador na pamunuan ang isa sa pinakamahalagang ahensiya.

 “I believe that he is more than qualified to head our most important agency, with the biggest share in the national budget no less,” ayon kay Senator Juan Miguel Zubiri

Para naman kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, tiwala siyang magagampanan ni Angara nang mabuti ang bagong katungkulan nito.

“Very qualified! Am sure he will do a good job as DepEd Secretary with his EdCom background and familiarity with current issues,” saad ni Sen. Francis Tolentino, Senate Majority Leader.

Sabi naman ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., tiyak na magiging instrumento si Angara sa pagtugon sa mga pangangailangan ng DepEd.

“Batid natin ang kanyang kakayahan at kaalaman. Tiyak na magiging instrumento siya sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ating DepEd,” ani Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Binati rin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Angara at sinabing well-deserved ang senador sa appointment nito.

Kasabay nito, binigyang linaw ni Escudero ang mababakanteng posisyon ni Angara sa Senado.

‘’The term of Senator Angara will be expiring in June 2025, anyway, tingin ko hindi na kailangang fill-upan pa sa isang special election na gastos lamang. So hintayin na lamang siguro ma-expire ‘yun,’’ ani Escudero

Sa kabilang banda, ipinahayag ng DepEd na tinatanggap nila si Sen. Angara sa Kagawaran ng Edukasyon.

Inaasahan naman ng komunidad ng education department ang pakikipagtulungan sa bagong pamunuan sa pagpapatuloy ng walang humpay na pagsisikap tungo sa pagpapabuti ng kalidad ng basic education sa bansa.

Una nang tiniyak ni VP Sara ang maayos na transition kasabay ng pagkumpirma ng kanyang resignation.

Aniya, nakalatag na ang 30-day transition plan.

‘’Nakahanda na ‘yun, bago ako nagbitiw, hinanda ko na ang transition, by strand, by board and council and sa SEAMEO (Southeast Asian Ministers of Education Organization),’’ ayon kay Vice President Sara Duterte.

Matatandaang nagpahayag ng pasasalamat ang kasalukuyang administrasyon kay Bise Presidente Duterte sa kanyang natatanging serbisyo sa DepEd.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble