SA kabila ng mahigpit na iskedyul, ay nagawa pa ring magtungo ni Sen. Francis Tolentino sa Dagupan City sa Pangasinan upang batiin ng Valentine’s Day ang mga Dagupenyo at mamigay ng tulong pinansiyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dala-dala ng senador ang pasalubong na mga libreng serbisyong legal ng Philippine Legal Justice Center (PLGC) para sa mga kababayang Dagupenyo.
Ito ay bahagi ng kaniyang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso na ginanap ito sa CSI Stadia, Hall 3, Lucao District.
Maliban sa libreng serbisyo ay namahagi rin ang senador ng AICS sa 600 benepisyaryo kasama ang DSWD at pamimigay ng wheelchair sa mga higit na nangangailangang Dagupenyos.
Hanga naman si Tolentino sa liderato ni Mayor Belen T. Fernandez dahil sa pagpapahalaga nito sa kalusugan ng kaniyang mga nasasakupan dahilan aniya kung bakit naghakot ang lungsod ng mga pagkilala sa nakaraang Gawad Kalusugan 2023 ng Department of Health (DOH).
Pinasalamatan naman ni Mayor Fernandez ang senador.
“Ang Valentine’s Day doon natin makikita kung sino ang nagmamahal sa atin at si Senator Tolentino despite na malayo po, sa Manila pa sila. Nagpunta sila dito sa Dagupan para maibahagi ang AICS po sa inyong lahat,” ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.
Pinasalamatan din ng Mayora si Tolentino sa tulong nito para maisagawa ang isang proyekto ng lungsod para sa flood mitigation na matatagpuan sa Barangay, Pogo Chico na ngayon ay patapos na.
Bangayan sa pagitan ng Senado at Kamara, lilipas din—Sen. Tolentino
Samantala, kaugnay sa mainit na bangayan ng Lower House at Senado ay kampante ang senador na walang magiging problema rito dahil bahagi lamang ito ng demokrasya at diyalogong pangkonstitusyon sa pagitan ng dalawang Kongreso.
“‘Yung nakikita niyo, nararamdaman niyong bangayan ng Lower House at Senado bahagi ‘yan ng ating maluwag na democratic space wala akong nakikitang magiging problema diyan,” ayon kay Tolentino.
“Bahagi ito ng Constitutional dialogue between two Houses but the people should be involved. Dapat makita ng tao kung ano talaga ‘yung nangyayari,” dagdag pa ng Senador.
Payo ni Sen. Tolentino sa mga mamamayang Dagupenyo na huwag nang masyadong pansinin ang mga nangyayaring bangayan sa pagitan ng Kamara at Senado dahil aniya ay usok ng politika lamang ito at lilipas din.