Senado, pinuri ang pagkapanalo ni EJ Obiena sa iba’t ibang pole vaulting competition sa Europe at Asia

Senado, pinuri ang pagkapanalo ni EJ Obiena sa iba’t ibang pole vaulting competition sa Europe at Asia

PINAGTIBAY ng Senado noong Lunes ang isang resolusyon na binabati at pinupuri ang Filipino pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena para sa kanyang pinakamalaki at pinakamatagumpay na paghakot ng medalya sa iba’t ibang pole vaulting competitions sa Europe at Asia ngayong 2022.

Ang Senate Resolution No. (SRN) 212 (Adopted Resolution No. 18) na ipinakilala ni Sen. Pia Cayetano ay pinagtibay ng Kamara habang isinasaalang-alang ang SRNs 63, 71, 87, 97, 164, 170, 177, 179, 222 at 220, 223.

Sinabi ni Cayetano sa kanyang sponsorship speech na si Obiena ay talagang karapat-dapat na papurihan dahil nagbibigay siya ng pag-asa na ang Filipino pole vaulter ay patuloy na maging inspirasyon sa mga kabataang Pilipino.

Ayon sa resolusyon, ang 26-anyos na atleta ang kauna-unahang Pilipino at Asyano na nanalo ng medalya sa World Athletics Men’s Pole Vault competition, na nagtamo ng bagong Asian, national, at personal record, matapos ma-clear ang 5.94 meters sa event.

“I pray and hope that you continue to be an inspiration to the Filipino youth, continue to be humble, and continue to work hard. As EJ said, to get where he is today is not glamorous work,” pahayag ni Cayetano.

Dagdag ni Cayetano, naabot ni Obiena ang lebel ng pagiging world-class athlete dahil na rin sa matinding ensayo, disiplina, at tiyaga.

Si Obiena, na kasalukuyang rank 1 sa Asia at 3rd sa buong mundo, ay umani ng 12 gintong medalya, 11 mula sa iba’t ibang sports events na ginanap sa Europe at isa noong 31st Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa Vietnam noong Mayo. Nanalo rin siya ng dalawang silver medals at tatlong bronze medals.

Pinuri din ni Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri si Obiena sa kanyang co-sponsorship speech kung saan partikular niyang binanggit ang pagkapanalo ni Obiena laban sa world record holder na si Armand ‘Mondo’ Duplantis sa Wanda Diamond League sa Brussels noong Setyembre 2, 2022.

“Through it all, EJ has shown incredible grace and maturity beyond his age, rising above challenges and focusing on his goals—not only for himself but also for the country,” pahayag ni Zubiri.

Pinuri din ni Senate Majority Leader Joel Villanueva si Obiena at pinasalamatan ito sa pagtataas ng “bandila at bansa sa itaas para makita ng buong mundo” at sa pagiging bayani na laging ipinagmamalaki ng kanyang mga kababayan na maging Pilipino.

“Thank you for giving pride, dignity and honor to the Filipino people… Rest assured that the Senate recognizes all your efforts and has your back,” ani Villanueva.

Ang iba pang mga senador na nagpahayag din ng kani-kanilang talumpati ay sina Senators Ramon Bong Revilla Jr., Jinggoy Ejercito Estrada, Christopher Lawrence “Bong” Go, Imee Marcos, Francis “Tol” Tolentino, at Raffy Tulfo.

“For his spectacular feat as an athlete, Obiena brings great honor and pride to the country, serving as the symbol of success and the spitting image of inspiration and motivation for many other athletes, not just in the country, but also across the world,” ayon sa nakasaad sa resolusyon.

Follow SMNI News on Twitter