MULI na namang nakapagdagdag ang world championship bronze medalist na si EJ Obiena ng gintong medalya matapos nitong dominahin ang Gala dei Castelli sa Bellinzona Switzerland kung saan nakapagtala rin ito ng bagong record.
Nakapag-clear ang world no.3 mula sa Pilipinas ng 5.81 meters sa kanyang ikalawang attempt upang makuha ang kanyang ika-anim na gintong medalya at ika-walong podium finish sa mga meet ngayong taon.
Binago rin nito ang meet record na 5.70m na naitala ni Tim Lobinger, 23 taon na ang nakalilipas.
Nagtapos sa ikalawang pwesto naman ang Tokyo Olympics silver medalist na si Chris Nilsen ng United States at ikatlong puwesto si Renaud Lavillenie ng France.