Senator Lacson, nanindigan na hindi pinagtulungan ng mga presidential candidate si VP Robredo

Senator Lacson, nanindigan na hindi pinagtulungan ng mga presidential candidate si VP Robredo

ITINANGGI ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na pinagtulungan nila si VP Leni Robredo sa ginawa nilang presscon.

Ito’y matapos ang ginawang presscon ng mga presidential candidates na sila Senator Ping Lacson, Norberto Gonzales at Isko Moreno Domagoso nakaraang weekend.

Ayon kay Lacson, malinaw naman ang layunin nilang tatlo kung bakit sila humarap sa media noong nakaraang linggo.

Sa kabila nito, wala raw nakikitang backlash ang senador sa ginawa nila.

“We are trying to make or create. Actually hindi pinagtulungan kasi malinaw naman ang layunin ng joint prescon is to ma-preempt or thwart yung attempts na mag-disinformation na merong magwi-withdraw sa amin. All of us, ganun ang ginagawa. Tapos isa-isa kinakausap, hindi ang magwithdraw kundi mag-campaign pa for them like yung sinabi ni Bert Gonzales. So I don’t think there is a backlash,” pahayag ni Lacson.

Doon naman sa nagsasabi na dahil sa ginawa ni Lacson, ay nakapag-decide daw na mag-Leleni na lang sila at sinagot naman ito ng senador na sanay na siya sa mga troll.

“I’ve seen a lot of that. Pero again nanggaling sa troll sabi ko nga madali namang madistinguish ang troll. Pero yun talaga, sa kanila yun na nagsasabi na pakonsensya ba, nagsasabing sayang ikaw pa naman ang gusto namin, ngayon ayaw na namin sa’yo, parang part ng pressure, part ng intimidation. If they think they can intimidate us, me particularly, sanay na ako,” ayon pa kay Lacson.

Hindi rin aniya hihingi ng paumanhin kay Leni dahil hindi naman ito nanawagan para sa kaniyang pag-withdraw.

Matatandaan na humingi ng tawad si Norberto Gonzales dahil sa ginawang panawagan ni Mayor Isko para sa pag-atras ni Robredo sa presidential race.

Sinabi pa ni Lacson na magpapatuloy ang kanilang kampanya at hindi raw ito papa-distract sa mga trolls.

Kasalukuyan namang nasa Iloilo si Lacson para sa pangangampanya.

Follow SMNI News on Twitter