AGE-limit ang karaniwang problema ng karamihan sa mga naghahanap ng trabaho, lalo na sa ating mga kababayang senior citizen, ngunit sa lungsod ng Muntinlupa isang ordinansa ang layong masulosyunan ito.
Sa isang Facebook live ng City Government of Muntinlupa na pinamagatang “The Working City Council” inihayag ni Counselor Ivee Arciaga-Tadefa ang isang ordinansa na naipasa ng Sangguniang Panlungsod ng Muntinlupa na pinapayagang makapagtrabaho ang mga senior citizen edad 60 pataas.
“Noong unang term po natin, tayo po ay naggawa ng isang ordinansa na tinatawag nating Ordinance No. 18-159. Ito po ‘yung ”Ordinance integrating Muntinlupa residents, senior citizens, and PWD in the workforce of business establishments or employers within the jurisdiction of the city of Muntinlupa.” Ibig sabihin, kung kayo ay senior at gusto niyo pang magtrabaho, puwedeng-puwede pa sa lungsod ng Muntinlupa,” ayon kay Counselor Ivee Arciaga-Tadefa, Committee on Veterans, Retirees and Elderly.
Kung mapatutunayan ng isang senior citizen o person with disabilities na kaya pa nitong makapagtrabaho sa pamamagitan ng medical certificate o recommendation letter na siya ay physically fit, maaari itong mag-apply sa ilang larangang itinakda ng komite.
Kabilang dito ang pagiging consultant, trabaho sa loob ng educational institutions, child or pet care, customer service, hospital or medical institutions, hospitality, event planning, and travel, community expert and local historian, at accounting.
Samantala, ibinahagi rin ni Counselor Ivee na may mga kompanya nang tumanggap sa senior citizens sa lungsod gaya ng ilang mall at food chain at patuloy pa itong nadaragdagan.
“Noong atin pong ginawa ito, isa po ang SM Hypermarket sa tumugon at mayroon din po tayo sa mga Filinvest na mall na nagpaunlak po sa ating ordinansa at noong pandemic po, medyo natigil po ito, pero ngayon po, dahil bumalik na po tayo sa normal, mayroon na rin po ulit na nagbukas ng pintuan para sa ating mga senior citizen, ito po ‘yung Peri-Peri at ang Shakey’s,” dagdag ni Counselor Ivee.
Bukod dito ay hinikayat din ng konsehal ang mga senior citizen sa lungsod na hindi pa nakakapagpatala na magpatala na para sila ay makinabang sa iba’t ibang programa ng lungsod at maging ng pamahalaan.
“Nais ko rin pong hikayatin ‘yung ating mga senior citizen na hindi pa po nakakapagpatala sa ating senior citizens office. Tayo po ay kasalukuyan pong… sa araw na ito ay mayroon po tayong 55,263 na senior citizen sa lungsod ng Muntinlupa at nais po naming mahingi ang inyong data para po sa iba’t ibang programa’t benepisyo na ibinibigay po ng ating pamahalaang lungsod, hindi lang po ng ating pamahalaang lungsod, pati na rin po ng national,” ani Counselor Ivee.
Maaaring magpatala ang mga senior citizen sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pagbisita sa Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) ng lungsod.