BINIGYANG-diin ni Atty. Salvador Panelo, dating Chief Presidential Legal Counsel ng Malakanyang na ang ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang ibigay sa mga kamay ng International Criminal Court (ICC) ay tahasang pagsuko sa kasarinlan ng bansang Pilipinas.
“Kasi lahat ng bansa hindi pwedeng pakialaman, pero ‘pag pumasok ka diyan, sinusuko mo ang soberanya mo. Pero hindi absolute ‘yon… bakit? Kasi meron tayong legal system. Ang lahat ng bansang miyembro doon, may sariling sistemang legal. Ngayon, kung papasukin mo ‘yong isang bansa o dayuhan, e ‘di pinapakialaman ang soberanya mo,” paliwanag ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Inihayag ito ni Panelo matapos ipaliwanag ni BBM kung bakit inaresto si dating Pangulong Duterte.
Sa kaniyang programa sa SMNI, binatikos ni Panelo ang naging hakbang ng gobyerno, iginiit niyang matagal nang walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas. Kaya naman, ipinagtataka niya kung bakit isang Pilipino—na minsang naging Pangulo ng bansa—ang isinuko sa isang dayuhang bansa.
Hindi rin pinalampas ni Panelo ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) patungkol sa pag-aresto kay Duterte. Aniya, may malinaw na mandato ang men in uniform—ang protektahan ang mamamayan, lalo na ang isang dating Pangulo.
“Lahat nang mga ‘yan sinasabi sa Saligang Batas—The Armed Forces of the Philippines is the protector of the people. Sila ang magbibigay proteksyon sa sambayanan. Ngayon, nakikita natin na nilalabag ang karapatan ng isang mamamayan—hindi lang ordinaryong mamamayan, naging Presidente pa, at sinasabi nating pinakamagaling na Presidente pa,” pahayag ni Panelo.
Binigyang-diin din niya na dahil sa insidenteng ito, tuluyan nang isinuko ng kasalukuyang administrasyon ang soberanya ng Pilipinas.
“Kasi, ‘pag isinuko mo ang isang mamamayan mo rito, nalabag mo na ang iyong tungkulin. Kasi tungkulin mo na bigyan siya ng proteksyon, tapos ipagkakanulo mo? Anong tawag mo doon? Sinusuko mo ang soberanya—ang kasarinlan!” aniya pa.
Batas ng ICC, nilabag mismo ng gobyerno ng Pilipinas—Sass Rogando Sasot
Samantala, hinamon naman ng Foreign Relations Scholar na si Sass Rogando Sasot ang mga nagsasabing tama lang ang ginawa ng mga awtoridad sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Sa kaniyang live video kamakailan, kinuwestiyon niya kung paano ipapaliwanag ng mga awtoridad ang biglaang pag-aresto sa kanilang dating Commander-in-Chief—gayong hindi nasunod ng gobyerno ng Pilipinas ang batas ng ICC.
“Kayong mga pulis, kayong mga sundalo, makinig kayo! Dahil binobobo kayo, ginagago kayo—ginagamit kayo ng mga bangag na ‘to, nagpapagamit naman kayo! Paano ninyo ipapaliwanag sa mga anak ninyo na ang isang dating Presidente ng Pilipinas, dati ninyong Commander-in-Chief, hinugot ninyo ng gano’n-gano’n na lang at inilabas ng bansa? At mali pa ang procedure!” pahayag ni Sass Rogando Sasot, Foreign Relations Scholar.
Paliwanag ni Sasot, malinaw sa Rome Statute ng ICC, Article 59, na may tamang proseso sa paghuli ng isang akusado.
Ayon sa batas, bago sana inihatid si Duterte sa Netherlands, dapat muna siyang iprisinta sa competent judicial authority ng Pilipinas—isang hakbang na hindi sinunod ng mga awtoridad.
“Kayong mga nakikinig, nakita niyo ang lahat! Iprinesenta ba nila? Ayan ang requirement: ‘After the arrest, a person shall be brought promptly before the competent judicial authority.’ Anong ibig sabihin nito? Ipepresenta ninyo si Digong sa harapan ng competent judicial authority! Ginawa ba nila ito? Kayong mga sundalo, mga pulis na nakikinig sa akin—ginawa ba ninyo ito? Oo o hindi lang ang sagot!” tanong ni Sass.
Dagdag pa niya, hindi lang ang No.2 ng Article 59 ang nilabag ng Philippine government.
“Kung ang nangyari kay Duterte, step 1—arrest—tapos biglang nag-jump sa step 7, tama ba ‘yon? Mga sundalo, kapulisan, tama ba ‘yon? So, ano ang basehan mo, BBM? Bangag ka na naman? Inaresto mo, pero in-ignore mo ang step 2, 3, 4, 5, 6, tapos nag-jump ka sa step 7? Kaya ka ba bumagsak sa Oxford? Hindi ka marunong sumunod sa instruction—napakasimpleng instruction, simple plain language!” aniya pa.
Dahil sa umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte, galit at pagkadismaya ang bumalot sa maraming Pilipino. Kaliwa’t kanan na ngayon ang kilos-protesta sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Follow SMNI News on Rumble