SINAGOT ni House Speaker Martin Romualdez ang pahayag ng Senado kung bakit mabilis ang Kamara sa pag-apruba sa mga panukalang batas amyendahan ang 1987 constitution.
Sa Senado, malamig ang mayorya ng mga senador sa panukalang Charter Change (Cha-cha).
Katunayan, nagtataka pa si Senate President Migz Zubiri kung bakit nagmamadali ang Kamara dito dahil wala raw ito sa priority bills ng administrasyon.
Pero resbak ni Romualdez, nagta-trabaho sila ng mabilis sa Kamara para sa interes ng bansa at sa ekonomiya.
‘’Kung nagta-trabaho man kami ng mabilis, ito ay dahil interes ng mamamayan ang nakataya. Hindi pulitika, kundi ekonomiya ng bansa. Hindi eleksyon, kundi misyon na iahon ang mga kababayan natin sa kahirapan,’’ ani Romualdez.
Banat pa nito na kung ‘kailan pa naging kasalanan ang mag-trabaho nang mabilis para sa bayan?’
Tiniyak naman ni Romualdez na dumadaan sa proseso at masusing pag-aaral ang kanilang pagpasa ng mga batas sa Kamara.