Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa, pumayag na magbitiw sa Hulyo 13

Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa, pumayag na magbitiw sa Hulyo 13

PUMAYAG na magbitiw si Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa matapos ang paglusob ng libu-libong nagprotesta sa opisyal na residente nito sa Colombo.

Inanunsyo ang naging desisyon ng Pangulo ng opisyal na tagapagsalita ng bansa.

Ito na ang makasaysayang tagumpay sa panig ng mga nagprotesta sa nasabing bansa matapos ang ilang buwang pag-aaklas para bumaba sa puwesto ang kanilang lider.

Dahil dito, nagsagawa ng selebrasyon ang raliyista sa lansangan na may kantahan, sayawan at paputok.

Una nang nagbitiw ang apat na malaking opisyal ng bansa na sina Minister of Tourism and Land Harin Fernando, Minister of Labour and Foreign Employment Manusha Nanayakkara, Minister of Transport and Highways at co-spokesperson for the cabinet Bandula Gunawardena at Minister of Investment Promotion Portfolio Dhammika Perera.

Matatandaan, nakaroon ng tahimik na protesta ng ilang buwan ang mamamayan ng Sri Lanka dahil sa krisis na nagdulot ng milyun-milyong katao na hirap sa pagbili ng pagkain, medisina at langis.

Ngunit nitong Sabado ay umabot na sa sukdulan ang galit ng mga raliyista at mahigit sa 100,000 sa mga ito ay nagtungo sa bahay ni Rajapaksa para ipanawagan ang kanyang pagbibitiw.

Marami sa mga nagprotesta ang lumusob at pinasok ang presidential palace kung saan ay sinira ang mga kagamitan kabilang ang artifacts habang ang iba ay naging libangan ang pagligo sa swimming pool ng Pangulo.

Samantala, target din ng mga nagprotesta ang pagbibitiw ni Prime Minister Ranil Wickremesinghe kung saan ay sinunog ng mga ito ang bahay ng naturang opisyal sa Fifth Lane.

Kapwa Presidente at Prime Minister ay wala sa kanilang mga pamamahay nang mangyari ang paglusob matapos silang ilikas sa ibang lugar para sa kanilang seguridad.

Follow SMNI News on Twitter