WALANG dapat na ikaalarma ang publiko kaugnay sa sunud-sunod na cyberattacks sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Anti Cybercrime Group (ACG) Director PMGen. Sidney Hernia, hindi lamang ang Pilipinas ang nakararanas ng ganitong mga atake kundi maging ang mga malalaki at mayayamang bansa sa mundo.
Aniya normal lamang ito dahil maituturing na attempt pa lang naman ito at hindi naman tuluyang napapasok ang mahahalagang impormasyon ng pamahalaan.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang PNP ACG sa mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan para pag-aralan kung papaano mapipigilan na makapasok ang cybercriminals sa Pilipinas.
Kamakailan lamang, ay matagumpay na napigil ng cybersecurity expert ng bansa ang pag-hack sa websites at email addresses ng ilang ahensiya ng pamahalaan mula sa mga hackers na nakabase sa China.
Bagama’t hindi pa kinumpirma ng mga awtoridad kung ang mismong gobyerno ng China ang nasa likod ng nasabing cyberattacks.