PINASALAMATAN ng militar ang suporta ng local government units (LGUs) at community leaders matapos makubkob ang pinagkukutaan ng Daulah Islamiyah-Maute group sa Bagumbayan, Marogong, Lanao del Sur nitong weekend.
Ayon kay Major General Roy Galido, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, nakumpiska sa lugar ang iba’t ibang uri ng war materials kabilang ang mga sangkap sa pagawa ng anti-personnel mines at personal na kagamitan ng mga terorista.
Naging posible aniya ito kasunod ng matibay na suporta ng komunidad at maigting na intelligence efforts ng government security forces.
Tinatayang 30 tagasunod ni Abu Zacharia, ang lider ng Daulah Islamiyah-Maute group ang namataan ng mga residente sa lugar na agad nilang ipinagbigay-alam sa militar.
Iginiit ni General Galido na ang seguridad ng lugar ay pananagutan ng lahat kaya kailangang magkaisa at magtulungan laban sa mga masasamang elemento.