KINUMPIRMA ng Department of Tourism (DOT) na bumaba sa dalawa mula sa tatlong buwan ang suspensyon ng akreditasyon ng Berjaya Makati Hotel.
Ito ay bilang pagkonsidera sa mga apektadong empleyado ng naturang hotel dahil sa pansamantalang pagsara nito.
“The Department of Tourism has affirmed the suspension of the hotel’s accreditation. However, upon Berjaya Makati Hotel’s appeal, the initial three-month suspension period was reduced to two months,” ayon sa pahayag ng ahensiya.
“The DOT is symphathizing with the hotel’s employees who will be directly impacted by this move, especially during this time of the pandemic,” dagdag nito.
Matatandaan na nasuspendi ang naturang hotel matapos payagan ang byahero mula sa Amerika na si Gwynet Chua na kilala bilang ‘Poblacion Girl’ na umalis sa pasilidad habang ito ay sumailalim sa quarantine noong Disyembre nakaraang taon.
Natagpuan si Chua sa isang bar sa Poblacion, Makati at sa huli ay nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Samantala, pinawalang-bisa ng DOT-National Capital Region ang authority to operate bilang isang multiple-use hotel (MUH) ng Berjaya Makati Hotel.
Ang MUH ay nagpapahintulot sa mga establisimyento na mag-akomoda kapwa staycation visitors at returning overseas Filipino na sumailalim sa quarantine.
Nanatili rin ang multa na P13,200 dahil sa paglabag nito sa health and safety protocols.
Sa pagbubukas muli ng Berjaya, ito ay mag-operate bilang isang quarantine hotel o mag-aplay muli ng panibagong authority to operate bilang MUH ayon sa ahensiya.
Nangako naman ang pamunuan ng hotel na magpatupad ng mas istriktong hakbang upang maiwasan na maulit muli ang parehong insidente sa pamamagitan ng pag-isyu ng “Enhanced Quarantine Procedure and Control.”