PINALAWIG pa ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng anim na buwan ang suspensyon sa paniningil ng Feed in Tariff Allowance (FIT-All).
Ayon kay ERC chair Monalisa Dimalanta, mananatiling suspendido ang paniningil ng P0.036 kada kilowatt hour na FIT-All sa buong bansa hanggang sa Agosto 2023.
Sinabi ni Dimalanta na makatutulong itong maibsan ang singil sa kuryente hanggang matapos ang summer season.
Nauna nang sinuspinde ng ERC ang koleksyon ng FIT-All para sa 3 billing months mula December 2022 hanggang February 2023 sa layuning lumuwag ang pasanin ng mga consumers sa gitna ng mataas na inflation.
Ang FIT-All ay ang sinisingil sa lahat ng on-grid electricity consumers para sa developmental promotion ng renewable energy sa bansa.