NAKARARANAS ang California ng isa sa mga pinakatuyong tagsibol na maaaring humantong sa mas mahigpit na mga panuntunan sa paggamit ng tubig at mga nagbabantang wildfires sa estado.
Mas lumala ang tagtuyot sa California sa nagdaang dekada, lalo pa’t ang mga buwan ng Abril at Mayo ay hindi nakikitaan ng anumang mga senyales ng malakas na pag-ulan.
Ayon sa bagong pag-aaral, pinapakita na ang tubig sa bundok na nababalot ng snow sa California ay nasa 38% lamang. Ito ang pinakamababang marka mula noong katapusan ng huling tagtuyot taong 2015; dalawang beses lamang mula noong 1988 na mas mababa ang antas.
Itinampok ng mga opisyal ng estado ang nakababahalang sukat ng tubig habang sila ay nakatayo sa isang istasyon na sumusukat sa snow sa timog ng Lake Tahoe, kung saan ang tanawin ay mayroong mas maraming damo kaysa sa snow. Sa pinakamalalim na puntong nasusukat doon, mayroon lamang 2.5 pulgada (6.35 sentimetro) ng niyebe.
Halos ang buong California at karamihan sa U.S. West ay nasa matinding tagtuyot, ayon sa U.S. Drought Monitor.
Noong nakaraang Hulyo, hiniling ni California Gov. Gavin Newsom sa mga tao na bawasan ang paggamit ng tubig ng 15% kumpara sa mga antas noong 2020, ngunit sa ngayon ay bumaba lamang ito ng 6%.
Humigit-kumulang sangkatlo ng suplay ng tubig ng California ay nagmumula sa natunaw na snow mula sa mga ilog at imbakan ng tubig.
Ang gobernador ng California na si Gavin Newsom ay nag-utos sa state water board na isaalang-alang ang pagbabawal sa pagdidilig ng mga ornamental na damo na nasa mga daanan o sa mga parke ng opisina upang mas makatipid ng tubig.