Pag-upgrade sa local hospitals, isinabatas ni PRRD

Pag-upgrade sa local hospitals, isinabatas ni PRRD

NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na maisabatas ang apat na local hospital bills na naglalayong mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo sa medical healthcare sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Senator Bong Go na nag-sponsor ng nasabing mga panukala sa Senado, ang mga bagong batas na nilagdaan ng Pangulo ay makatutulong sa pagtugon sa mga isyu sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa publiko at makatutulong din sa pagpatutupad ng Universal Health Care Act.

Ang naturang panukala ay alinsunod sa layunin ng Administrasyong Duterte na magbigay ng kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat.

Samantala, kabilang sa mga bagong nilagdaang batas ay ang Republic Act No. 11702 na nagtatatag sa Southern Luzon Medical Center sa Tayabas City; RA 11703 na nagtatatag sa Samar Island Medical Center sa Calbayog City; RA 11705 na nagtatatag sa Ilocos Sur Medical Center sa Candon City.

Kabilang din sa nilagdaan ang RA 11704 na nagpapataas ng bed capacity sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan City.

Kaugnay nito sa pamumuno ni Go, nauna nang itinaguyod at pinadali ng Senate Committee on Health ang pagpasa ng 24 batas sa pag-upgrade sa umiiral na bagong pampublikong ospital sa buong bansa.

Follow SMNI News on Twitter