NAGKAKAUBUSAN na rin ng suplay ng itlog sa sa bansang Taiwan ayon sa Philippine Egg Board Association (PEBA).
Blockbuster kung tawagin dahil sa sobrang haba ng pila ng mga tao sa isang tindahan sa naturang bansa.
Maging sa bansang France at Hong Kong ay umaabot na sa P28 – P40 ang presyo ng pirasong itlog.
“All over the world kasi nga grabe ang pagtama ng bird flu sa Japan kulang, sa Malaysia kulang, sa Taiwan at Hong Kong kahit sa America ay kulang ang itlog na ‘yan and even in the Europe ay kulang din kasi lahat naman ‘yan ay tinamaan ng bird flu,” saad ni Gregorio San Diego, Chairman, PEBA.
Ngunit ang problemang ito ng ibang bansa ay kabaliktaran sa nangyayari ngayon sa Pilipinas.
Ilang nagtitinda ng itlog, kaniya-kaniyang pakulo para tangkilikin ng mga mamimili
Sa Commonwealth Market, kaniya-kaniyang diskarte ang ilang nagtitinda upang mabenta lang ang kasalukuyang suplay ng itlog nila.
Patunay dito si Kuya Ace na nagbibigay na ng mga promo upang tangkilikin ng mga mamimili.
Halimbawa rito ang small size organic egg na 3 for P13 na lamang habang P5 each naman sa small white egg at 3 for P21 naman sa presyo ng large egg white.
Paliwanag naman ng PEBA, hindi puwedeng iimbak ang suplay ng itlog dahil mabubulok lamang kung kaya ibinababa ng mga retailer ang presyo.
“Pagka nag-interview kayo ng mga tindera sa palengke, isa lang sasabihin, sobrang tumal, so ‘yun ang nangyayari kahit mura ‘yung itlog na source ng protein ay nabawasan din ‘yung demand, hindi rin puwede iimbak ‘yan dahil mabubulok ‘yan kapag pinatagal mo. So, mapipilitan kang, actually ang pinaka-mababa ay sa farm gate talaga,” wika ni Gregorio San Diego, Chairman, PEBA.
Sobrang suplay ng itlog sa Pilipinas, planong i-export sa mga bansang may shortage
Dahil dito pinaplano ng grupo na mag-export ulit ng itlog sa mga bansa na kulang ang suplay katulad na lamang sa Taiwan.
Ganito rin ang ibinigay na suhestiyon ng Department of Agriculture sa egg sector upang mapakinabangan ang mga itlog at hindi mabulok.
“Ini-encourage niya kami na mag-export sa Taiwan, so medyo masalimuot din ito dahil maraming mga certification na kailangan mo, maraming mga permit. Actually may mga naka-export na sa atin, siguro sa calculation namin ang last month ang nai-export sa Taiwan ay mga 4 milyon mahigit na pieces,” dagdag ni San Diego.
Tugon naman ng DA,
“We got in touch also with Bureau of Animal Industry,” ayon kay Asec. Kristine Evangelista, Spokesperson.
Pag-uusapan aniya ng agri-business marketing ang pagtatayo ng one stop shop upang matulungan sa kinakailangan requirements para sa pag-i-export.
At nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa mga market master upang makatulong na makahanap ng mga buyer tulad na lamang ng mga restaurants, bakeshop at iba pa.
Bagamat nakababahala na aniya ang nangyayari sa egg sector ngunit inaaksiyunan na umano ito ng sektor ng agrikultura.