Target population ng San Juan City vaccination program, nabakunahan na ng first dose

Target population ng San Juan City vaccination program, nabakunahan na ng first dose

MALAKING katagumpayan para sa San Juan City goverment sa kanilang vaccination program kung saan naabot na ng lungsod ang 100% sa kanilang target population na mabakunahan ng first dose.

Nabakunahan na ng San Juan City government ng first dose ang  85,400  na residente na katumbas ng 100% na ng target population ng lungsod.

Ngayong araw ay pormal na iaanunsyo ng lokal na pamahalaan San Juan City ang malaking katagumpayan sa kanilang vaccination program.

Dadalo ngayong araw sa naturang event sina Presidential Spokesperson Harry Roque, Health Secretary Francisco Duque III, NTF Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon at Department of Trade and Industry Sec. Ramon Lopez.

Una nang inanunsyo ni Mayor Francis Zamora na target ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ng first dose ang nasa 85,400 na indibidwal sa kalagitnaan ng Hulyo.

Inaasahan naman na sa katapusan ng Agosto ay maabot na ng lungsod ang herd immunity.

Sa kasalukuyan, may dalawang vaccination site ang San Juan City kung saan umaabot sa higit tatlong libong indibidwal ang nababakunahan kada araw.

Una na ring sinabi ni Zamora na malaking tulong rin ang mga ordinansa na kanilang ipinatupad tulad ng Executive Order No. 82 o ang Vaccination Incentive Program kung saan bibigyan ng diskwento ng mga establisimyento ang isang bakunado.

Maliban dito ay naglabas rin ng Executive Order si Mayor Zamora na naghihikayat sa mga establisimyento na mabakunahan ang lahat ng kanilang empleyado laban sa COVID-19.

Didikitan ng sticker na may nakalagay na ‘100% vaccinated’ ang mga business establishment kung ang mga empleyado nito ay fully vaccinated na.

Ilan lang ito sa mga hakbang na ginagawa ng lungsod upang mas dumami pa ang nais magpabakuna.

Ayon sa San Juan LGU, ito ay bahagi ng kanilang istratehiya upang mahikayat ang mga residente na magpabakuna laban sa COVID-19.

SMNI NEWS