IDINEKLARA ng Quezon City ang ilang mga bukas na lokasyon sa lungsod bilang ‘Child Friendly Safe Zones’ kung saan ang mga menor de edad na 5- taong gulang pataas ay maaaring makisali sa mga outdoor activities.
Inihayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga lugar na idineklara bilang Child-Friendly Safe Zones kabilang dito ang Quezon Memorial Circle at Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center.
Dagdag ng alkalde, maaari ring puntahan ng mga menor de edad ang ilang mga parke na pinamamahalaan ng Quezon City Parks Development and Administration Department (PDAD) at ilang mga parke sa loob ng mga subdivision.
Kabilang din sa initial list na child safe zone ay ang Quezon City Hall Urban Farming Area, Amoranto Stadium, Project 6 Park, Masambong Park, Manresa Park, Dapitan Park, IBP Park, Camerino Park, Project 4 Park, Bernardo Park, Roces Park, Hayaville II Park, Toro Hills Park, Project 4 Park, Blueridge B Park, Mira Nila Park at CP Garcia Park.
Ipinaalam ng alkalde na ang Quezon City Business Permits Licensing Department (BPLD) ay maaari ring mag-designate ng safe zones sa mga outdoor activity area katulad ng swimming pools, tourist sited, al fresco dining o mga open air area ng malls at ilang establisimyento.
Sinabi ni Belmonte na ang hakbang na ito ay alinsunod din sa panawagan ng UNICEF Philippines sa mga lokal na pamahalaan na payagan ang mga bata na maglaro sa mga panlabas na lugar, upang maisulong ang kanilang pisikal at mental na kagalingan sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“After months of being confined inside their houses, we saw the need to give minors a chance to go out and get some fresh air in outdoor areas that are deemed safe,” ayon kay Belmonte.
Iginiit ni Belmonte na ang nasabing safe zone ay maaari lamang mag-accommodate ng hindi hihigit sa sampung tao, kasabay nito dapat maipresenta ng guardian ang kanyang vaccination card or ID sa anumang oras.
Ayon sa alkalde, ang isang zone administrator ang siyang magtatalaga kung sino ang magiging responsable sa nasabing zone upang matukoy ang capacity limitation sa bawat zone at ipatupad ang mga health protocol sa loob ng nasabing zone.
Kabilang dito ang pagsusuot ng facemask at face shield, pagpapanatili sa social distancing, regular na disinfection sa area at paggamit ng contact tracing app.
Kaugnay nito, hinihimok din ni Belmonte ang mga zone administrator na magpatupad ng hourly scheduling system upang matiyak ang pagsunod sa capacity limitations.
Aniya, maaari ring gumamit ng mga marshall ng zone administrator upang magpatrolya at ipaalala sa mga tao ang protokol na kinakailangan.
Sinabi ng alkalde na ang City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay maaaring magrekomenda ng pagbawi o pagbabago ng pagtatalaga ng isang lokasyon bilang isang Child-Friendly Safe Zone kung sakaling magkaroon ng malawakang paglabag sa mga health protocol o COVID-19 kung saan sususpindihin din ang pagpapatakbo ng zone kung ang lokasyon nito ay inilalagay sa ilalim ng Special Concern Lockdown.
Inatasan ni Belmonte ang PDAD, BPLD, Department of Public Order and Safety (DPOS), Quezon City Police District (QCPD), ang CESU at iba pang mga kinauukulang Kagawaran ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon at mga Baranggay na magsagawa ng mga inspeksyon upang natitiyak na nasusunod ang naturang Memorandum.
Sa ngayon, mayroong ng 19 Safe Zones ang lungsod habang ang ibang mga parke at outdoor areas ay maaaring mag-apply sa PDAD o BPLD upang ideklarang Child-Friendly Safe Zones.