NAGBABALA si Vice President Sara Duterte na maaaring malagay sa alanganin ang kinabukasan ng Pilipinas pagsapit ng 2028 kung hindi maaagapan ang kasalukuyang kalagayan ng bansa.
Sa isang ambush interview sa The Hague, Netherlands, diretsahan niyang inilarawan ang lumalalang estado ng ekonomiya at ang papalubhang kawalan ng pag-asa ng taumbayan—isang sitwasyong aniya’y bunga ng kakulangan ng malinaw at epektibong aksiyon mula sa gobyerno.
“Lugmok na tayo sa kahirapan because at this point we should be working our way up but it seems that we are working to go to the dumpster. And as I said noon, we are in the road to perdition,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Ayon pa kay Duterte, isa sa mga pangunahing dahilan ng paglaho ng pag-asa ng mga Pilipino ay ang kawalan ng malinaw na direksiyon mula sa kasalukuyang administrasyon.
“Somehow, walang nakikitang hope ‘yung mga tao dahil wala rin silang nakikita mula sa gobyerno,” giit ni VP Sara.
VP Sara sa desisyong tumakbo sa 2028 elections: “It’s too early”
Sa usapin ng kaniyang posibleng pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028, iginiit niyang hindi pa ito ang tamang panahon upang magdesisyon.
“It’s really too early sa ngayon,” aniya.
“Ang pagtakbo kasi, kailangan kang manalo. So kailangan mong paniguraduhin na kapag tumakbo ka, ay mananalo ka because otherwise, that would be a hopeless case. Mawala na ‘yung pag-asa, no? So mahirap paasahin ang mga tao tapos alam mo namang hindi ka magtatagumpay sa kandidatura mo. So kailangang paniguraduhin na mananalo para maibigay ‘yung expectation ng mga tao,” dagdag pa ng Bise Presidente.
Ibinunyag din niya na ang payo sa kaniya ay magdesisyon sa ikaapat na quarter ng 2026 kung tatakbo siya o hindi.
“Ang advise sa akin noon was 4th quarter of 2026. So, December of 2026, supposedly ‘yun dapat mayroong desisyon. Because at that time, kailangan nang i-set up ‘yung kailangang organization para sa isang kandidatura.
“That we have to see by the numbers and by Science and Mathematics,” paliwanag nito.
Habang nananatiling bukas ang usapin ng kaniyang posibleng pagtakbo sa 2028, iginiit ni Vice President Sara Duterte na ang tamang panahon at tamang sitwasyon ang magtatakda ng kaniyang magiging desisyon.
Sa ngayon, nananatiling pangunahing hamon ang pagharap sa mga suliraning kinakaharap ng bansa—isang bagay na, ayon sa kaniya, ay nangangailangan ng agarang solusyon.