“COMMON sense dictates that if you have a warrant, you immediately put up a wanted poster. Bakit hinintay pa po hanggang ngayon kung kailan mag-uumpisa ang kampanyahan para sa National Elections kung kailan inilabas itong poster na ‘to?”
Ito ang sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ng Kingdom of Jesus Christ, matapos kwestiyunin ang inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na wanted poster laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ kaugnay sa mga kasong isinasangkot dito ng ilang tiwalag na miyembro ng kongregasyon.
Ayon kay Topacio, kwestiyunable ang pagpapalabas ng wanted poster ng FBI dahil noong nakaraang taon pa inilabas ng federal jury ang indictment laban kay Pastor Apollo ngunit bakit ngayon pa aniya ito lumabas kung saan malapit nang magsimula ang campaign period para sa nalalapit na eleksyon sa Pilipinas.
“Unang-una po without going into the merits of the case, ang timing po ng paglabas nitong poster na ito ay very suspect, the indictment, the federal jury indictment was made on November 10, 2021 and supposedly according sa post na pinost sa website ng FBI, there was a warrant issued also on that day. Common sense dictates that if you have a warrant, you immediately put up a wanted poster. Bakit hinintay pa po hanggang ngayon kung kailan mag-uumpisa ang kampanyahan para sa National Elections kung kailan inilabas itong poster na ‘to?” pahayag ni Topacio.
Ipinagtataka din ni Topacio kung bakit lumabas ang sunud-sunod na paninira laban kay Pastor Apollo nang manalo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
“At magtataka po kayo, again prescinding from the merits of the case. Bakit po noong hindi pa pangulo si Pangulong Duterte ay wala naman po kayong naririnig na mga ganitong akusasyon laban kay Pastor Quiboloy? It was only in 2016 na nag-umpisa ‘tong kung anu-anong trumped-up charges na inihahain laban kay Pastor Quiboloy,” saad ni Topacio.
Dahil dito, sinabi ni Topacio na ginagawa lamang ito para sirain si Pangulong Duterte.
“Alam niyo kung totoo po na maimpluwensya si Pastor Quiboloy kay Pangulong Duterte, eh bakit po kung kailan nakaupo sa Malakanyang si Pangulong Duterte, doon pa binabangga si Pastor Quiboloy? It does not make sense. Hindi mo babanggain ito kung tingin mo ay may kapit siya sa kapangyarihan. The only logical reason is that they are using the closeness of Pastor Quiboloy with President Duterte para gibain indirectly si Pangulong Duterte,” ani Topacio.
Pinunto din ni Topacio na hindi naman kailangan ang paglalabas ng wanted poster dahil hindi naman nagtatago si Pastor Apollo at madalas pa itong nakikita nang live sa kanyang mga programa sa telebisyon.
“Everyone knows where the Pastor is. You must be hiding under a rock here in this country not to know where he is,” dagdag pa ni Topacio.
Umapela naman si Topacio sa mga miyembro ng media na maging katotohanan at huwag maging malisyoso sa kanilang pagbabalita.
“Hindi ko po sinasabing lahat but there are some of media establishment ay para bagang guilty na beyond reasonable doubt si Pastor Quiboloy, parang nasentensiyahan na, parang siya ay ikukulong na base on final judgment. Hindi po ganoon ‘yon.”
Matatandaan na ibinasura sa Hawaii ang kasong korupsyon na isinampa laban kay Pastor Apollo Quiboloy matapos matuklasan ng mga piskal na nagsisinungaling ang testigo sa kaso.