HINDI na kailangan ng travel insurance ng mga fully vaccinated traveller sa pagitan ng Malaysia at Singapore ayon sa Malaysia Health Minister.
Inanunsyo ni Health Minister Khairy Jamaluddin ang bagong health protocols para sa mga manlalakbay na papasok sa Malaysia galing sa Singapore.
Ayon kay Jamaluddin, wala nang on arrival test at quarantine para sa mga fully vaccinated traveller galing sa Singapore epektibo Abril 1.
Kinakailangan lang aniyang idownload ang mysejahtera app at i-verify ang COVID-19 vaccination certificate sa mysafetravel.gov.my.
Bukod pa rito, hindi na kailangan ng travel insurance para sa mga fully vaccinated na Malaysian at Singaporean na naglalakbay sa pagitan ng dalawang bansa, gayundin ang permanent residence at long term pass holder.
Samantala, nilinaw ni Jamaluddin na ang mga unvaccinated at partially vaccinated ay kinakailangan pa ring kumuha ng COVID-19 travel insurance na may minimum coverage na US$20,000 o RM84,000 bago pumasok ng Malaysia at kinakailangan ding magsagawa ng 5-days quarantine.
Matatandaan na ang travel insurance ay ipinatupad upang mapabilang ang mga gastos sa quarantine, treatment at hospital admission kung ang isang manlalakbay ay nahawaan ng COVID-19 habang nasa Malaysia.