PORMAL na isinagawa ngayong araw ang turnover ceremony para sa bagong kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagitan ni outgoing DOLE Secretary Silvestre H. Bello III at ni Secretary Bienvenido E.Laguesma.
Tinanggap ni Labor and Employment Secretary Bienvenido E.Laguesma mula kay outgoing DOLE Secretary Silvestre H. Bello III ang DOLE Flag at Philippine Labor and Employment Plan (LEP) 2022-2028 ngayong araw.
Ang simpleng turnover ceremony ay ginawa sa Labor Governance and Learning Center, Blas F. Ople Hall sa Intramuros, Manila.
Sa talumpati ni Secretary Laguesma, pangarap nito na ang kagawaran ay maging action driven approachable at maging accountable.
Para naman kay outgoing Secretary Bello III hindi na kailangan pang ituro sa bagong kalihim ang mga dapat gawin sa loob ng kagawaran lalo na ito ay dati na ring kalihim.
Matatandaan si Laguesma ay dati na rin DOLE secretary sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulong Joseph Estrada at dati na ring commissioner ng Social Security System (SSS) sa administrasyon naman ni President Benigno Aquino III.
Dagdag din ni Bello, isa sa maipagmamalaki na Duterte legacy ng kagawaran ay tinatawag na industrial peace.
Dahil sa iba’t ibang mga programa nito para mapanatili ang magandang relasyon sa pagitan ng workers at employers.
Samantala para naman kay Laguesma, pangarap nito na maipagpatuloy pa ang mga programa ng DOLE sa ilalim ng Duterte administration partikular na may kinalaman sa COVID-19.
Sa unang araw pa lang ayon kay Laguesma may mga meeting na ito na ginawa ng regional directors at sa susunod na linggo nakatakdamg makipag-ugnayan ang bagong kalihim sa grupo ng mga employers upang alamin at pakinggan ang mga katugunan at kailangan ng mga ito sa usapin ng paggawa.