UK, magpapatupad ng travel ban mula sa mga Pinoy, biyahero na galing sa Pilipinas

MAGPAPATUPAD ng travel ban ang United Kingdom (UK) mula sa mga Pinoy at biyahero na galing sa Pilipinas simula Abril 9 matapos maisama ang bansa sa kanilang ‘red list.’

(BASAHIN: 2 kaso ng P.3 COVID-19 variant na unang natagpuan sa Pilipinas, nadiskubre sa England)

Ayon kay British Ambassador to Manila Daniel Pruce, maging epektibo ang bagong restriksyon sa 4 a.m. ng Biyernes, Abril 9.

Kabilang sa hindi makapapasok sa U.K. ang mga biyahero mula o dumaan sa Pilipinas sa nakaraang sampung araw.

“This means you cannot enter the UK from the Philippines unless you are a British or Irish national, or if you are a third-country national, including Filipino, who has residence rights in the UK,” pahayag ni Pruce.

Aniya, dadaan sa quarantine ang mga pinahintulutang makapasok sa bansa pagdating sa paliparan.

Samantala, hinihintay ng embahada ang kumpirmasyon mula sa mga administrasyon ng Scotland, Wales, at Northern Ireland kung susundin din ba ng mga ito ang nasabing hakbang.

Dagdag ni Pruce, ang travel ban ay bilang proteksyon sa kalusugan ng publiko at mabawasan ang panganib ng mga bagong variants na makapasok sa UK.

Nasa mahigit 30 na mga bansa ang kabilang sa red list ng travel ban ng UK kung saan kabilang sa bagong nailista ang Pilipinas, Pakistan, Kenya, at Bangladesh.

“All of these decesions have been taken after careful assessment. These are temporary measures that will be kept under review and will only be maintained in place while the level of risk justifies them,” ani Pruce.

Aniya, maaaring bumisita ang mga apektado sa travel ban sa https://www.gov.uk/foreign-travel-advice/philippines.

SMNI NEWS