Unang taon ni PBBM, huwag muna husgahan ayon sa Pro-Marcos

Unang taon ni PBBM, huwag muna husgahan ayon sa Pro-Marcos

ALAS 9:00 ng umaga araw ng Lunes, unti-unting nagdatingan ang mga Pro-Marcos o taga-suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa tapat ng tanggapan ng Commission on Audit (COA) sa Commonwealth Ave. sa Quezon City.

Pagsapit naman ng 10:30 ng umaga ay tinungo na ng mga Pro-Marcos ang Sandiganbayan area na ilang metro lang ang layo sa COA upang doon ipahayag ang kanilang suporta sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Marlon Mendoza, chairman ng 1 Movement na hindi agad mararanasan ng Pilipinas ang kaunlaran dahil dadaan muna ito sa proseso kaya marapat lang aniya na huwag munang husgahan ang Marcos administration.

 “Unang-una wala naman pong overnight na success, everything must go to the process. Kumbaga road was not built in one day, kung ang bata ay siyam na buwan bago ipanganak, so ‘yun ang proseso na nakita ko,” ayon kay Marlon Mendoza, Chairman, 1 Movement.

Para naman kay Atty. Arnel Escobal, Secretary General ng Citizens Crime Watch Internationale Unified Force and Anti-Crime Corruption (CCWIUFACC) na kontento siya sa unang taon ni Pangulong Marcos at kung paano nito tinugunan ang peace and order sa bansa.

“Ang assessment namin sa kaniyang administrasyon for the past years regarding sa anti-drugs operation, the same intensity pa rin naman, kaya lang ang pulis ngayon ay mayroong marching order to respect human rights,” ayon kay Atty. Arnel Escobal, Sec. Gen. CCWIUFACC.

Pagkakaisa at pagtutulungan naman ang panawagan ni Larry dela Merced, National President ng CCWIUFACC.

 “Yes sa sambayanang Pilipino, tulungan po natin ang Pangulo para tayo ang kaagapay sa magandang adhikain niya,” ayon kay Larry dela Merced, National President ng CCWIUFACC.

Para naman kay John Nite pamangkin ng yumaong sikat na artista na si Kuya Germs, kontento siya sa unang taon ng Pangulong Marcos.

At isa sa mga pinakanagustuhan niya na nagawa ni Pangulong Marcos ay ipinagpatuloy nito ang mga sinimulan ng kaniyang ama at isa na nga rito ang tulungan ang mga magsasaka.

“But you know of course very satisfied ako because nakita naman natin ang pinakapaborito ko ‘yung sa mga farmers ‘yung nga proyekto ng father niya ipinagpapatuloy finally mga farmers ‘yung mga nagsasaka ng kanilang.. ngayon ibinigay niya sa kanila,” ayon kay John Nite.

Kaya naman sabi niya, masyado pang maaga para husgahan ang kasalukuyang administrasyon.

“Para sa akin, oo pero hindi ko alam kung ano ang maaga sa kanila or kailangan ba magmadali kasi I’ve been a lot of transition of the government.”

 “Para sa akin hindi ako nababagalan, calculated tamang-tama maghintay lang tayo kasi a lot of people lalo na sa social media ngayon may kaniya-kaniya tayong level of temper,” ani John Nite.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter