KABILANG sa ibinida sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsasabatas ng Universal Health Care Law at ng Malasakit Center Act.
Ayon sa pangulo ito ang pinakanakakabilib na ginawa ng Kongreso at ng Ehekutibo.
“We also passed the Universal Healthcare Act 2019 and to supplement this it was signed into law the Malasakit Center Act in 2019,” pahayag ni Pangulong Duterte.
“And to me that is one of the most let me a find a poignant act of Congress and of the executive department,” dagdag ng Pangulo.
Ganito inilarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang matagumpay na pagsasabatas sa Republic Act 11223 o Universal Health Care Law at Republic Act 11463 o ang Malasakit Center Act, na parehong ipinanukala noong taong 2019.
Ayon sa Punong Ehekutibo, malaking tulong ang Malasakit Center upang hindi na kailangang magtungo sa iba’t ibang tanggapan ng ahensya ng pamahalaan ang mga ordinaryong mamamayan para lang makahingi ng pinansyal na tulong sa kanilang medikal na pangangailangan.
Sa pagtatag ng Malasakit Center hindi kailangan lumapit at humingi ng tulong sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, ang gobyerno na ang lumalapit sa tao
“By establishing Malasakit Centers all over the country you’ve actually leveled the plain field and provide our less fortunate countrymen the medical care that they deserve,” ayon sa Pangulo.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop-shop para sa medical assistance ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino na itinatag ni Senator Christopher ‘Bong’ Go.
Sa kanyang SONA ngayong araw, binigyang-pugay ni Pangulong Duterte si Senator Go at pinasalamatan dahil sa malasakit nito sa bayan.
Samantala, katulad ng Malasakit Center Act, nilagdaan din ni Pangulong Duterte ang Universal Health Care Law noong taong 2019.
Sa ilalim ng UHC Program, awtomatikong kasama ang lahat ng Pilipino sa insurance program ng pamahalaan na magbabayad sa mga gastusing pang-medikal kabilang na ang consultation fees, laboratory tests at iba pang diagnostic services.
Ang Malasakit Center at Universal Health Care Law ay magkakatuwang para sa pagbibigay ng mas mabilis na medical at financial assistance sa mga Pilipinong nangangailangan.
Mula sa 55 Malasakit Centers noong disyembre 2019, 130 na ito ngayon sa buong bansa.
Nangako naman si Pangulong Duterte na sa kanyang nalalabing taon bilang pangulo ay aasahan na madadagdagan pa ang naturang bilang ng mga Malasakit Center.
Sa nakalipas na limang taon ng Duterte Administration, nakapagtala ang gobyerno ng 109.4 milyong Pilipinong saklaw ng UHC at dalawang milyong indibidwal naman ang natulungan ng Malasakit Centers sa buong bansa.