DINALUHAN ni Vice President at Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte ang 49th Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) National Convention sa Davao City.
Ito ay isang pagtitipon ng lahat ng Filipino civil engineers sa buong Pilipinas at sa ibang bansa.
Kamakailan lang niyanig ng 6.8 magnitude na lindol ang mga probinsiya ng Saranggani at Davao Occidental.
Kaya naman, hinimok ni VP Sara ang ating mga civil engineers na patibayin ang mga komunidad laban sa pagkasira ng kalikasan at sakuna at ang kaagad na pangangailangan para sa seismic preparedness at matatag na imprastruktura.
Bilang secretary ng education, hinikayat din ng bise prisendente ang mga miyembro ng PICE na tulungan ang kagawaran na bumuo at magdisenyo ng mga climate-resilient schools.
Ito ay dahil marami sa ating mga silid aralan ay nasisira dahil sa mga pagguho, bagyo, baha at armed conflict na naging sagabal sa pagkakaroon ng kalidad na edukasyon ng ating kabataang Pilipino.
Hinikayat din niya ang mga miyembro na sa gitna ng makabagong teknolohiya at panahon ay patuloy silang magsanay at linangin ang kanilang kaalaman sa mga makabagong pamaraan at teknolohiya lalo na sa paggawa ng mga resilient na desinyo.
Samantala, hinikayat din niya ang PICE na magbigay ng komento sa isinasagawang review ng curriculum para sa K-11 and K-12.
Aniya, malaki ang kanilang papel sa lipunan kaya patuloy na magtulungan para bumuo ng isang matatag na bayan.