HINIHIKAYAT ng Philippine National Police (PNP) ang social media users na iwasan ang pagtanggap o pagtangkilik sa mga hindi kilalang friend requests sa social media, pagbubukas ng WiFi hotspots upang makaiwas sa mga potensiyal na pambibiktima ng tinatawag na cyber criminal.
Nagpaalala ang PNP sa publiko na maging maingat kasunod ng mga ulat ng unauthorized transfers mula BDO Unibank Inc. accounts.
Ayon sa PNP, gumagamit ng pekeng account ang mga kriminal at saka makikipagkaibigan gamit ang social media accounts upang mang-hack at makuha ang personal na detalye ng isang tao.
Giit ng PNP, huwag basta magtiwala.
Nabatid na inulan ng reklamo mula sa mga customer ang BDO dahil sa unauthorized withdrawals ng kanilang pera at nailipat sa isang ‘Mark Nagoyo’ account sa Union Bank of the Philippines (UBP).
Kaugnay nito, inalerto na ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang publiko laban sa “Drive-by Download Attack” kung saan may malisyusong programa na ini-install sa device nang walang permiso mula sa user.
Kabilang din dito ang unintentional na downloads ng files o bundled software sa mga computer devices.
Sa kabilang banda sinimulan na ng BDO Unibank Inc ang pagproseso ng reimbursement o pagbabalik sa nawalang pera ng nasa 700 na kliyente na naapektuhan ng online fraud.
Pinapayuhan naman ng BDO ang kanilang mga kliyente na magtungo sa kanilang branch at dalhin ang mga kaukulang dokumento para makuha ang refund.
Kasabay nito, nakikipagtulungan na rin ang nasabing bangko sa mga otoridad at sa Bangko Sentral ng Pilipinas para hindi na maulit ang insidente.
Pipiliting ihabol ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang refund bago ang Disyembre 25.
Sinabi naman ng PNP na maaaring ma-contact ang ACG sa email address na [email protected] o telephone number nito na (632) 723 0401 local 7483.