Mismong gobyerno, hindi tumatanggap sa trabaho ng senior high school graduate—Sen. Gatchalian

Mismong gobyerno, hindi tumatanggap sa trabaho ng senior high school graduate—Sen. Gatchalian

MISMONG gobyerno pa ang hindi tumatanggap sa trabaho ng mga senior high school graduate ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.

Kaya isang panukalang batas ang inihain ni Gatchalian para tiyakin na may mga trabahong makukuha sa gobyerno ang mga estudyanteng magtatapos sa senior high school.

Graduate ng senior high school si Reslie. Partikular na kaniyang kinuha ay Technical-Vocational Livelihood Track.

Pero hanggang ngayon hirap pa rin siyang makahanap ng trabaho.

Sa ngayon, pansamantalang nagtra-trabaho si Reslie sa isang paresan sa Quezon City para makapag-ipon at makapag-aral sa kolehiyo sa susunod na taon.

Pero hindi lang sa pribadong sektor pahirapan kumuha ng trabaho ang mga grumaduate sa senior high school.

Sinabi ng isang mambabatas na mismong ang gobyerno ang hindi tumatanggap sa senior high school graduates sa trabaho.

‘‘Dahil kung ang gobyerno, ginawang mandato ang senior high school, ibig sabihin, ang gobyerno naniniwala sa kakayahan ng senior high school. Pero ang gobyerno, hindi naman kinukuha. Hindi naman hina-hire ‘yung senior high school natin kasi ‘yung qualification standards ng gobyerno mababa,’’ pahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian, Republic of the Philippines.

Batas na mag-uutos sa CSC na tumanggap ng senior high school graduate sa trabaho, inihain

Dahil dito inihain ni Gatchalian ang Batang Magaling Act.

Sa panukalang batas, ipag-uutos sa Civil Service Commission (CSC) na repasuhin ang kanilang hiring process at tiyakin na may trabahong makukuha ang mga senior high school graduate mula sa barangay level hanggang sa national government.

‘‘Aayusin ‘yung qualification standards. Tataasan ang suweldo at bibigyan ng specific na pwesto ang mga senior high school sa gobyerno kung pumasa sila of course ng interview, ng mga assessment. Pero mayroon nang specific na trabaho for senior high school.’’

‘‘Ang game changer ‘pag ang government nagha-hire, ipinapakita ng gobyerno na may kumpiyansa tayo sa kakayahan at galing ng mga senior high school,’’ saad ni Sen. Gatchalian.

‘‘We support that again because that is another avenue for us to boost employability. Kasi tayo pong nasa government, dapat we also hire our senior high school graduates,’’ ayon kay Usec. Michael Poa, Department of Education.

Polisiyang magbibigay ng libreng assessment para sa SHS graduates at pagsama ng TVET sa K-12, nilagdaan ng gobyerno

Isa rin sa natukoy na dahilan kaya hirap na makakuha ng trabaho ang mga senior high school graduate lalo na ang mga kumukuha ng Technical-Vocational Livelihood Track ay dahil sa kawalan nila ng national certification.

Ayon kay Gatchalian, magastos kasi ang assessment para makakuha ng certification na umaabot sa P1,000 hanggang P5,000 ang ginagastos.

‘‘Pag naghahanap sila ng trabaho at sinabi nila, nag-TVL ako, wala naman silang mapakitang dokumento. So, maraming mga magulang lalo na ang mga Senior High School nadidismaya dahil naghahanap sila ng trabaho, wala silang mapakitang dokumento,’’ ayon kay Sen. Gatchalian.

Dahil dito, nilagdaan ng Department of Education (DepEd) at TESDA ang isang joint memorandum circular nitong Biyernes para sa libreng assessment para makakuha ng national certification ang mga estudyanteng magsisipagtapos ng Senior High School Technical-Vocational Livelihood Track.

Sa ilalim ng General Appropriations Act ng 2024, pinondohan ng P538-M ang libreng assessment, pagdagdag ng mga national certification assessors, at para sa capacity building program ng mga guro para maging accredited competency assessors.

Para mas matiyak pa ang employability o ang kakayahan ng mga senior high school graduate na makakuha ng trabaho, lumagda rin ang DepEd, TESDA, Commission on Higher Education (CHED) at Department of Labor and Employment para isama ang Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa lahat ng tracks ng senior high school.

Layon nitong magkaroon ng angkop na kakayahan at kaalaman ang mga estudyante sa industriyang nais nilang pasukan.

‘‘We reviewed the training regulations ng TESDA and we’ve found out na sa ngayon they are around 65 to 80 qualifications na puwede po nating i-embed doon sa academic track ng ating senior high school,’’ saad ni El Cid Castillo, Executive Director, TESDA – Qualifications Standards Office.

Halimbawa ng TVET courses na isasama sa senior high school ay ang bookkeeping, customer services at customer care, bread and pastry production, at entrepreneurship.

Umaasa ang DepEd na sa pamamagitan ng mga nasabing hakbang ay hindi na magiging mahirap para sa mga senior high school graduate na makakuha ng mga trabaho.

‘‘Because magkakaroon sila ng skills training sa senior high school talaga na appropriate tapos magkakaroon sila ng certification, tapos kasama natin ang DOLE no. Huwag nating kalimutan. Sa DOLE mayroon tayong ginagawang coordination sa kanila para makita rin natin kung ano ‘yung industry demand sa ngayon. When we all put those together mas magiging attractive po at tataas ang employability ng ating senior high school,’’ ayon naman kay Usec. Poa.

Tiniyak naman ng DepEd na ang pagsama ng Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa lahat ng tracks ng senior high school ay hindi makakaabala sa pag-review sa K-12 Curriculum.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble