153 na kaso ng ‘locally-transmitted’ Delta variant, naitala sa Nanjing, China

153 na kaso ng ‘locally-transmitted’ Delta variant, naitala sa Nanjing, China

KINUMPIRMA ng mga lokal na awtoridad ng Nanjing, China ang mabilis at tumataas na kaso ng ‘locally-transmitted’ Delta variant sa siyudad. 

Nitong Hulyo 28 ay nakapagtala sila ng 47 na panibagong mga kaso, kung kaya’t umabot na sa 153 katao ang kumpirmadong nahawaan ng strain na ito ng COVID-19 na mas nakahahawa, mas mataas ang viral load at mas nakamamatay.

Unang na-detect ang mga kaso ng Delta variant mula sa 9 na empleyado ng Lukou Airport noong Hulyo 20, matapos ang kanilang regular na swab testing. 

Simula noon ay mabilis na itong kumalat sa kanilang mga naging ‘close contacts’ na nagtungo naman sa iba’t-ibang mga lokasyon.

Karamihan sa mga nahawaan ay nakatanggap na ng kumpletong dosis ng bakuna laban sa COVID-19 noong Mayo, at 4 sa mga ito ngayon ay nasa malalang kalagayan.

Sa kasalukuyan, pinayuhan ang mga mamamayan na manatili muna sa kanilang mga tahanan at lumabas lamang kung kinakailangan. 

Pansamantalang ipinasara ang mga sinehan, gym, indoor swimming pools at mga iba pang mga pampublikong lugar, habang limitado naman ang pinapayagang makapasok sa mga lokal na pamilihan ng Nanjing tulad ng malls at supermarkets. 

Sinuspinde na rin ang operasyon ng mga bus, kabilang na ang mga bus tour services. Kontrolado at limitado din ang paglabas-masok ng mga bus sa siyudad.

BASAHIN: San Juan City, kinumpirma ang dalawang kaso ng Delta variant

SMNI NEWS