AABOT sa mahigit na 15 libong pulis ang nakatakdang ipakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa palibot ng Batasang Pambansa sa kauna-unahang State of the National Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kasunod ito ng isinagawang pakikipagpulong ng NCRPO kay Interior Secretary Benhur Abalos, kaugnay sa nalalapit na SONA ni PBBM.
Sa panayam ng SMNI News kay NCRPO spokesperson, PLtCol. Jenny Tecson, nasa 15 libong pulis ang ipakakalat sa loob at labas ng bisinidad ng Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang ulat nito sa bayan.
“Initially, ‘yung aming napag-usapan, initial pa lang ‘yan, pwedeng madagdagan pa. Mayroon kaming deployment na inilaan na muna for the meantime na nasa mahigit 15, 000. ‘Yan yung initial na aming datos noong nag-meeting noong isang araw,” ani PLtCol. Jenny Tecson, spokesperson, NCRPO.
Sa ilalim ng direktiba ng pamunuan ng PNP, halos walang pagbabago aniya sa naging latag ng seguridad noong mga nakaraang halalan hanggang sa dalawang pinakamalalaking inagurasyon ni President Bongbong Marcos at VP Inday Sara Duterte.
“Usual pa rin naman, kapag may mga activities na ganyan, kapag may mga events talaga naman ang ating, isa maging maayos siya, ma-implement siya nang maayos. Alam ko pati ‘yung, kung anong nilatag natin na preparasyon noong mga nagdaang mga activity ay the same na template ang ating gagamitin,” ayon pa kay Tecson.
Samantala, itataas naman sa full alert status ang buong National Capital Region sa araw ng pagsasagawa ng SONA ng Pangulong Marcos Jr.
Sa isa pang panayam ng SMNI News kay QCPD Director PBGen. Remus Medina, asahan na ang mahigpit na daloy ng trapiko at posibleng rerouting para sa lahat ng motoristang dadaan at papasok sa NCR.
“Sa darating na State of the Nation Address ng ating bagong Pangulo Ferdinand Bongbong Marcos Jr., isasailalim ang buong NCR sa alert status. Sa katunayan, medyo mahigpit po tayo ngayon at patuloy po kaming magsasagawa ng mga dialogues, conferences, para sa mga ibang kasali sa SONA,” pahayag ni QCPD Director PBGen. Remus Medina.
Dahil sa limitadong bilang ng kanilang tauhan, inaasahan din ang tulong ng PNP mula sa regional at police districts katuwang ang mga kinatawan ng Joint Task Force, AFP, BJMP at BFP para sa crowd control partikular na sa mga inaasahang rally ng iba’t ibang grupo na nais magpahayag ng kanilang saloobin ngayong SONA.
Kaya naman maaga pa lang, patuloy ang pakiusap ng mga kapulisan sa iba’t ibang progresibong grupo sa bansa na makipag-ugnayan sa kanila gayundin ang pagsunod sa mga itinakdang freedom parks sa mga gagawing pagtitipon sa araw na iyon.
“Ang aming ginagawa diyan ngayon eh nakikiusap po kami sa mga lider ng mga magrarally na kung pupwede magkasundo po kami dito po sa mga lugar na pupwede lang po sila mag-rally. Definitely doon sa mga lugar na wala silang permit ay pagbabawalan natin po sila. So, may mga lugar na po kami na inirekomenda na hanggang doon lang po sila mag-rally. In fact, gusto namin silang samahan sa mga lugar na ‘yun. Pero doon po sa mga ipinagbabawal ay mahigpit po na ipagbabawal ng ating kapulisan ang maabala, maantala ang mga mag-aattend ng SONA ng ating bagong Presidente,” dagdag ni Medina.
Giit naman ng NCRPO, hindi nito hahayaan na makalapit sa Batasang Pambansa ang mga raliyista upang maiwasan ang anumang gulo na posibleng dala ng mga ito bagkus ipatutupad pa rin naman ng mga kapulisan ang maximun tolerance sa mga protesta na gagawin sa naturang araw ng SONA ni PBBM.