NAHARANG ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang delivery rider ng isang kilalang delivery company matapos tangkaing maghatid ng iligal na droga sa dalawang Returning Overseas Filipino (ROF) mula United Arab Emirates (UAE) na naka-quarantine sa isang isolation hotel sa Bonifacio Global City, Taguig.
Sa spot report ng PCG Task Group Bantay Bayanihan, alas 4 kahapon nang dumating ang unang rider na may dalang package na idineklara ng sender na mga damit at cellphone ang laman.
Pero nang inspeksyunin ng PCG at Bureau of Quarantine (BOQ) personnel, may nakitang plastik na may lamang hinihinalang “methamphetamine” o shabu sa likod ng cellphone cover.
Makalipas ang isa’t kalahating oras, isa pang rider ang dumating sa naturang isolation hotel kung saan nakuha naman dito ang isang plastik na may lamang ‘white crystalline substance’ na hinihinalang iligal na droga.
Napag-alamang inosente ang isang delivery rider habang nasa ilalim pa ng imbestigasyon ang isa pang rider na umaming pinsan ng ikalawang ROF.
Sa ngayon ay inihahanda na ng PNP ang kasong isasampa sa dalawang ROF at isang rider dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Mga delivery crew, prayoridad ngayon sa bakunahan ayon sa DTI
Tiniyak ni Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez na prayoridad sa bakunahan ang mga delivery crew.
Ayon kay Lopez, kasama naman ang mga ito sa A4 priority category bilang mga essential economic worker.
Samantala, ibinahagi rin ni Lopez na sa pagsasailalim ng National Capital Region at Laguna sa MECQ status simula bukas, Agosto a-bente uno, mas maraming retail stores na ang magbubukas partikular sa mga mall.
Gayunman, take out pa rin ang pinahihintulutan sa lahat ng mga restaurant sa NCR at Laguna.
Mananatili naman ang kasalukuyang curfew hours na alas otso ng gabi hanggang alas-kwatro ng umaga.