2 miyembro ng NPA, nasawi sa engkuwentro sa Samar

2 miyembro ng NPA, nasawi sa engkuwentro sa Samar

DALAWANG miyembro ng komunistang teroristang grupong New People’s Army (NPA) ang nasawi habang nakumpiska naman ng mga awtoridad ang iba’t ibang gamit pandigma matapos ang nangyaring engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng rebeldeng grupo kamakailan sa lalawigan ng Samar.

Ang nabanggit na sagupaan ay nangyari matapos magsumbong sa mga sundalo ang mga residente sa Brgy. Sto. Niño, sa bayan ng Paranas sa Samar na mayroon umanong presensiya ng rebeldeng grupo at nangingikil umano sa mga taga rito.

Base sa initial report ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, unang nangyari ang palitan ng putok mula sa dalawang panig alas singko ng umaga araw ng Miyerkules nang ma-engkuwentro ng 33rd Special Forces Company at tropa ng 87th Infantry Battalion ang hindi mabilang na miyembro ng komunistang grupo na pinaniniwalaang sakop ng Akal Platoon, Sub-Regional Committee Browser of the Eastern Visayas Regional Party Committee na nag-ooperate sa nasabing probinsiya.

Sa kaparehong araw naman, alas otso ng umaga nakasagupa ng 87IB ang teroristang grupo habang tumatakas sa puwersa ng pamahalaan.

Ilang minuto matapos ang ikalawang engkuwentro, muli na namang nakasagupa ng mga sundalo ang rebeldeng grupo na tumagal ng tatlong minuto ang palitan ng putok mula sa dalawang panig.

Nagresulta ito sa pagkasawi ng dalawang miyembro ng komunistang teroristang grupo na hindi pa natutukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang M16 rifle, isang caliber 45 pistol, dalawang International Humanitarian Law banned anti-personnel mines, isang rifle grenade, mga magazine, mga bala, at iba pang gamit pandigma.

Sa isang pahayag, nagpaabot ng kaniyang pakikiramay si BGen. Lenart Lelina, commander ng 801st Infantry Brigade sa mga naulilang pamilya ng mga nasawing rebelde.

Hinikayat din nito ang mga natitirang miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at tanggapin ang mga programa ng gobyerno na inilaan para sa kanila.

Consider laying down their arms and embracing the government’s reintegration programs to build a more peaceful and progressive future,” paliwanag ni BGen. Lenart Lelina, Commander, 801IB, 8ID, Philippine Army.

Samantala, sinabi naman ni 8ID Commander MGen. Adonis Ariel Orio na ang nasabing tagumpay ng operasyon ay naging posible dahil sa tulong at kagustuhan ng mga residente na maubos na ang mga komunistang teroristang grupo sa probinsiya ng Samar.

This is our strong response to the wishes of our people to be free from the continuous threats of the remaining terrorists. We will continue to scour every mountain of Eastern Visayas until we get rid of the last CTG member,” pahayag naman ni Orio.

Binigyang-diin ng opisyal na sa kabila nang kanilang mahigpit na operasyon laban sa mga rebeldeng grupo, layon pa rin umano ng gobyerno na tulungan ang lahat ng mga susuko at bigyan ng panibagong buhay ang mga ito kasama ang kanilang mga pamilya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble