20 indibidwal, patay sa landslide sa Baybay City, Leyte

20 indibidwal, patay sa landslide sa Baybay City, Leyte

PATAY ang 20 indibidwal matapos ang naranasang landslide at pagbaha sa Baybay City, Leyte.

Ito ay kasunod ng matinding pag-ulan sa probinsya dulot ng Bagyong Agaton.

Sinabi ni PRO 8 Regional Director Police Brigadier General Bernard Banac na sa bilang ng mga nasawi, 14 ang nagmula sa Barangay Mailhi, 3 sa Barangay Katangos at 1 sa Barangay Bunga.

Maliban dito, may 2 pang bangkay ang nakuha sa search, rescue and retrieval operations ng pulisya.

Samantala, may 6 indibidwal din ang naiulat na nawawala sa pananalasa ng bagyo sa probinsya.

Aabot naman sa 139,146 katao o 95,741 na pamilya ang apektado ng Bagyong Agaton sa 274 na mga barangay sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, Caraga, at Bangsamoro.

Ito ay base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Dagdag pa ng NDRRMC, nasa 91 na mga bahay ang nasira kung saan 84 ang bahagyang nawasak at pito ang tuluyang nawasak sa Central Visayas, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN at Caraga.

Tinatayang aabot naman sa P874,000 ang halaga ng sira sa agrikultura sa SOCCSKSARGEN at Bangsamoro habang P250,000 halaga ang nasira sa imprastraktura sa Central Visayas at Northern Mindanao.

Bukod pa rito, nakapagtala ang NDRRMC ng 286 na insidente ng pagbaha, 15 pagguho ng lupa, anim na agarang pagbaha, 3 maritime incidents at isang ilog ang umapaw.

Naitala rin ang 37 kalsada at limang tulay na hindi madaanan dahil sa bagyo.

Naiulat din ng NDRRMC ang 64 na syudad at munisipalidad na nakaranas ng brownout at lima sa mga ito ang naibalik na ang linya ng kuryente.

Samantala, dalawang lugar naman ang nakaranas ng water supply interruptions.

Sa mga pantalan naman, 39 sa mga ito ang pansamantalang itinigil ang operasyon na naka-apekto ng mahigit 6 na libong pasahero na na-stranded.

Kaugnay nito, stranded din ang aabot sa 1,710 na mga rolling cargo; 10 barko at isang motor banca.

Sinuspinde rin ang aabot sa 109 na klase at 72 na mga work schedule dahil sa bagyo.

Follow SMNI News on Twitter