Muling isinusulong ngayon ng Agriculture Department ang pagbuhay sa panukalang batas na magpapahintulot sa mga kainan na mag-alok ng kalahating tasa ng kanin. Ito ay matapos maitala ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang tone-toneladang bigas na nasasayang kada taon na maaari na raw mai-pakain sa halos tatlong milyong Pilipino.
Umaga pa lang ay marami ng customer ang karenderyang ito ni Aling Sherly sa kahabaan ng NIA road sa Quezon City.
Mga lutong bahay ang kanyang itinitinda na abot kaya lamang ng mga ordinaryong Pilipino.
Karamihan daw sa kanyang mga suki na kumakain ay mga delivery rider, mga tsuper at mga empleyado.
‘Yun nga lang ay nasasayangan siya sa mga kaning hindi nauubos ng kanyang mga customer dahil sa ibat ibang kadahilanan.
‘’Katulad noong isang araw may customer ako na may binayaran siya na worth P95 ay hindi niya talaga nakadalawang subo lang siya talagang iniwan niya..kaso lang ‘yung sasakyan niya kasi ay macle-clearing na siya so naiwan. ‘Yung iba naman ay pag-serve ay sobra sa kapasidad ng lagayan kaya hindi nauubos,’’ ayon kay Aling Sherly may-ari ng karenderya.
Sa isang araw nga raw ay dalawa hanggang tatlong supot ng kanin ang naiipon nila na nasasayang at natatapon.
Ang Angkas driver na si Cris Maniego ay ilang beses na rin kumain sa mga karenderya na hindi niya nauubos ang isang cup ng kanin.
Naka-experience kasi ito na muntik nang matiketan ng MMDA – kaya mas uunahin daw niyang isalba ang kanyang motor kaysa sa pagkain dahil baka raw maubos ang kanyang pinagpaguran sa mag-hapon.
‘’So, anong ginagawa niyo kapag hindi pa naubos? Ikot na lang takbo ulit kung mababalikan ‘yung pagkain..’yun hindi naman siya mura,’’ ani Cris Maniego delivery rider.
Iniulat ngayon ng DA- Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na batay sa kanilang November data ay umaabot sa 255,000 metriko tonelada ng bigas ang nasasayang kada taon.
‘’So, medyo malaki po siya kasi po base po sa data nila around almost 19 kilograms o 19 to 23 kilograms ng kanin ‘yung nasasayang ng bawat pamilya kada isang taon. So, kapag pinagsama-sama po natin sa lahat ng population during that year ay kaya niyang magpakain ng 2.79 million Filipinos for a year,’’ ayon kay Hazel Antonio- Beltran Head, Development and Communications Division, PhilRice – DA.
Dahil diyan, muling itinutulak ng DA-PhilRice na buhayin ang Half-Cup Rice bill para maisulong ang pagtitipid sa kanin.
Marami daw kasing butil ang nasasayang dahil umano sa mga mahihilig mag-unli rice pero hindi naman inuubos ang kanin sa kanilang mga plato.
‘’Ang goal ng half cup ay para rin maprotektahan ‘yung ating mga consumer na hindi talaga kayang makaubos ng 1 cup. So, ma-lessen ‘yung wastage so maprotektahan din ‘yung mga kababayan natin na mayroong diabetes na hindi kayang kainin ang 1 cup,’’ ani Beltran.
Nais ng DA-PhilRice na unang ipatupad ang nasabing panukala sa lahat ng ahensya ng gobyerno upang higit pang mabawasan ang pagsasayang ng kanin sa bansa.
Humiling nga raw sila kay Marcos Jr., sa pamamagitan ng Private Sector Advisory Council na maglabas ng isang Executive Order.
Pero, paglilinaw ng Department of Agriculture ang nasabing panukala ay opsyon lamang para sa mga Pilipino at maging sa mga establisimyento.
‘’Hindi mo pinu-puwersa ang tao na kumain ka lang ng kalahating cup kasi ‘yung notions na ito lang dapat ang kainin mo ay hindi naman ganon ang intend. Kumbaga ang intend dapat ay mayroong opsyon sa mga taong hindi ganon kalakas kumain ng rice,’’ saad ni Asec. Arnel De Mesa Spokesperson, DA.
Nasa 9 na probinsya, 21 na lungsod, at 17 na munisipalidad ang nakapasa na ng mga ordinansa na nag-uutos sa mga establisimyento na mag-alok ng kalahating tasa ng kanin sa kanilang mga menu.
Pero ang tanong – pabor ba ang mga ordinaryong Pilipino sa panukalang ito?
‘’Hindi po kaya sa mga o kagaya naming mga lalaki magugutom po talaga. Siguro mag focus nalang sila kung paano mapamura ang bilihin,’’ ayon kay Darius.
‘’Hindi ako pabor doon, bakit? Kulang..puwede siguro kung nagdi-diet ka..pero kung mga ganitong breakfast hindi puwede na half cup of rice,’’ saad naman ni Herbert.