28 Bagong Urgent Care and Ambulatory Centers, target buksan ng DOH hanggang 2028

28 Bagong Urgent Care and Ambulatory Centers, target buksan ng DOH hanggang 2028

NASA 28 na Bagong Urgent Care and Ambulatory Services (BUCAS) ang plano ng Department of Health (DOH) na itayo sa buong bansa hanggang 2028.

Sinabi ni DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na mula sa 28 BUCAS centers, ay 28 milyong Pilipino ang target nilang makabebenepisyo rito.

“Iyong ating BUCAS Centers, so sabi nga ni Sec. Ted ‘no 28 by 28 by 2028 – 28 BUCAS Centers by the year 2028 for the poorest 28 million Filipinos pero malalampasan na tingin namin ‘no kasi ngayon pa lang, January pa lang nag-start ‘no nakasampu na kaagad eh – so, kaya nating labanan pa iyan na more than 28 ‘no; pero for now 28 by 28 by 2028,” saad ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Una nang nagpahayag ng pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, sa nasabing programa ng DO.

Aniya, ito ay naaayon sa kaniyang adbokasiya na mapabuti ang pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad at ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga tao.

Ang BUCAS ay isang pangunahing health hub na magbibigay ng serbisyong katulad ng nasa mga Super Health Centers na itinataguyod ng senador.

Isa itong intermediate na pasilidad sa kalusugan na layong punan ang puwang sa pagitan ng mga primary care facility (rural health units o city health centers) at mas mataas na antas ng health institutions (mga ospital) sa pamamagitan ng pagbibigay ng urgent health care services.

Ito ay mid-level diagnostic at therapeutic centers na magbibigay ng first contact sa community level, para sa mga lugar na higit sa dalawang oras ang layo mula sa isang regional hospital.

Ngunit hindi tulad ng Super Health Centers na pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan, ang BUCAS ay pamamahalaan ng DOH at magsisilbing ekstensiyon ng mga ospital ng ahensiya.

Sa kabilang banda, ipinahayag pa ni Asec. Domingo na tuluy-tuloy ang kanilang pagsisikap para sa mabuting sistemang pangkalusugan.

Sa katunayan, naka-attach sa BUCAS Project ang mobile clinics na nakatakdang ideploy ng DOH kung saan gagamitin ito sa mga liblib na lugar.

Ang BUCAS mobile clinic ay ang Purok Kalusugan Program – ito ay isang programa kung saan bubuhayin ng DOH ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa komunidad at bababa pa sa antas ng barangay at sa antas ng purok.

“Nariyan iyong mga sinasabi na primary care services na nagmumula doon sa Bagong Urgent Care and Ambulatory Centers na ginagawa ngayon; sa ating mga Purok Kalusugan na bubuuin na rin; at abangan natin iyong mga mobile clinics na idi-deploy sa madaling panahon,” pahayag ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Magkakaroon ng X-ray, ultrasound, may hematology, chemistry at may sariling generator ang nasabing mobile clinic.

Kaakibat ng mga programang ito ng DOH, ay nangangailangan din ito ng human resources, at dito nga may nakikitang kakulangan ang ahensiya.

Una nang sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na 190,000 health workers ang kailangan para mapunan ang kakulangan sa nasabing sektor sa Pilipinas.

“So iyan ang mga napag-usapan namin. Including all others, we will need the human resources, so we saw the gap. Prinesent ko sa presidente na we have about a 190,000 needed to actually fill-in the gaps of our health care system – that’s with the net flow ‘no, iyong mga nag-migrate at iyong mga nag-OFW plus iyong nagga-graduate from our schools,” wika ni Sec. Teodoro Herbosa, DOH.

Kaya naman, ayon sa DOH, patuloy rin ang mga ikinakasang programa ng gobyerno upang matugunan ang suliraning ito sa health care system ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble