MAGKAKAROON ng pagbawas sa airfare ngayong Hulyo. Ito ay dahil sa pagbaba ng fuel surcharge na itinakda ng gobyerno.
Plano mo bang bumiyahe ngayong Hulyo at naghahanap ng pamasaheng pasok sa budget mo? Aba’y mukhang ito na nga ang sagot sa hanap mong budget-friendly travel! Kaya naman magmadali na dahil simula sa Hulyo 1 hanggang 31 ang perpektong pagkakataon para maka-avail ng murang plane ticket.
Sinabi ni Atty. Clarabel Ann Lacsina ng Civil Aeronautics Board (CAB), bababa ang fuel surcharge mula Level 6 nitong Hunyo patungong Level 5 para sa buong buwan ng Hulyo.
Matatandaan sa nakalipas na limang buwan ng taong ito nanatiling nasa Level 6 ang taas ng fuel surcharge.
Ibig sabihin magkakaroon ng pagbawas sa airfare ngayong Hulyo.
Paliwanag ni Atty. Lacsina, dalawang factor ang basehan ng CAB kung dapat itaas o ibaba ang pamasahe ng air ticket.
Kabilang dito ang kanilang pagmo-monitor sa galaw ng jet fuel price at palitan ng piso sa dolyar.
“Ito pong fuel surcharge po kasi ay base po kasi sa movement ng jet fuel prices sa merkado, base po sa aming evaluation, na bumababa po ang presyo ng jet fuel sa global market kaya napababa po natin ang fuel surcharge ngayong susunod na buwan,” saad ni Atty. Clarabel Anne Lacsina, OIC, Administrative Division, Civil Aeronautics Board.
Ang domestic passenger surcharge ay magkakahalaga mula mahigit isang daang piso hanggang mahigit limang daang piso
“Bale ngayon makakaramdam po tayo ng pagbawas ng fuel surcharge sa buwan ng Hulyo na mula P185 to 265 for domestic flight ay magra-range na lang ito ng P151 to P542, for example, mga balak lumipad ng ating Manila-Caticlan papuntang Boracay ay bababa ng P54.00 ang fuel supercharge at ito ay magiging P238.00,” dagdag ni Lacsina.
Habang para sa international flights, ang surcharge ay nagkakaiba mula sa mahigit apatnaraang piso hanggang mahigit tatlong libong piso.
“Ang ating International flights magra-range sya ng ₱498.03 hanggang ₱3,703.111 currently ito ay nasa P610.00 to P4,500.00 sa mga lilipad halimbawa ng Taiwan o Hong Kong from P610.00 ay mababawasan na lang ng P112.00 so magiging P498.00 ang magiging fuel surcharge,” ani Lacsina.
Welcome naman para sa Cebu Pacific at AirAsia Philippines ang naging desisyon ng CAB sa pagbabawas ng fuel surcharge.
Para kay CEB President and Chief Commercial Officer Xander Lao ang positibong hakbang na ito ay humihikayat sa mas maraming pasahero dahil sa murang pamasahe.
Nasasabik din ang Cebu Pacific na pasakayin ang mas maraming Juans patungo sa kanilang mga pangarap na destinasyon sa murang pasahe at nagpapatuloy na promosyon dagdag pa rito ang bagong ruta na Kaohsiung and San Vicente, Palawan.
“We welcome the Civil Aeronautics Board’s decision to decrease the fuel surcharge. This positive step makes air travel more affordable for passengers and boosts demand as we enter the third quarter. Cebu Pacific is excited to fly more Juans to their dream destinations with our low fares, ongoing promotions, and newly added routes to Kaohsiung and San Vicente, Palawan,” ayon kay Xander Lao, President and Chief Commercial Officer, CEB.
Ang AirAsia Philippines naman bilang isang low-cost airline ay nananatiling committed na maibsan ang epekto ng fuel surcharge sa pamamagitan ng pag-aalok ng pinakamababang pamasahe sa mga bisita tulad ng kanilang monthly double-digit sale at flash sale.