3 bagong barko, bagong sea assets ng PCG

3 bagong barko, bagong sea assets ng PCG

Pormal nang nadagdag sa hanay ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 3 bagong barko na gagamitin sa pagpapalawak ng operasyon nito sa karagatan.

Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Rommel Supangan ang commissioning ng BRP Patag, BRP Pag-asa at BRP Kalikasan sa National Headquarters sa Port Area, Manila, ngayong November 25.

Bahagi ang seremonya ng pagdiriwang ng ika-62 anibersaryo ng Coast Guard Fleet.

Ang BRP Patag at BRP Pag-asa ay mga 27-meter Marine Protector-class patrol vessel na ipinagkaloob sa PCG ng United States.

Bago natanggap ang mga barko, sumailalim muna sa specialized training sa Baltimore, Maryland, ang 24 na PCG crew member na magpapatakbo sa mga ito.

Samantala, ang BRP Kalikasan ay isang 20-meter Marine Research and Survey Vessel na ginawa sa Cebu.

Gagamitin ito sa shallow-water hydrographic surveys at mga aktibidad para sa pangangalaga sa karagatan.

Gagamitin ang tatlong barko sa iba’t ibang operasyon ng PCG, kabilang ang pagtugon sa mga emergency sa dagat, oil spill response at mga insidenteng nagbabanta sa kapaligirang marino.

“The newly commissioned vessels will expand our conduct of maritime safety operations and responses to emergencies at sea, including oil spills and other incidents that threaten the country’s rich marine environment,” pahayag ni Commodore Noemie Cayabyab, Spokesperson, Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa PCG, bahagi ang pagdagdag ng mga bagong barko sa modernization at capacity-building program ng organisasyon.

Nauna nang naideliver sa Coast Guard Fleet ang BRP Kalikasan noong Hulyo.

Nagsagawa ito ng unang misyon sa Corregidor Island noong November 8.

Sa pagdagdag ng tatlong bagong vessel, inaasahang mas mapalalawak ng PCG ang kakayahan nito sa maritime safety, pagtugon sa mga emergency at pangangalaga sa kapaligirang marino.

Kasabay ito ng patuloy na pagpapalakas at pagpapamodernisa sa Coast Guard Fleet.

Follow SMNI NEWS in Twitter