35 Filipino, 1 Palestinian, unang batch na darating sa Pilipinas mula Gaza—DFA

35 Filipino, 1 Palestinian, unang batch na darating sa Pilipinas mula Gaza—DFA

INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa 35 Pilipino at isang Palestinian ang nakatakdang dumating sa bansa.

Sinabi ni DFA Usec. Eduardo Jose de Vega, sa kabuuan nasa 36 na indibidwal ang inaasahan na darating sa Pilipinas sa araw ng Biyernes.

Ang naturang bilang ng mga makauuwing Pinoy ay kabilang sa 40 mga Pinoy na nakatawid ng Rafah border crossing patungong Egypt mula sa Gaza.

Ayon pa kay Usec. De Vega, tatlo sa mga nagpaiwan sa Egypt ay miyembro ng pamilya na may asawang Egyptian.

Habang ang dalawa naman ay mag-inang Pilipino kung saan ang isa ay 38 weeks na buntis at hindi pa maaaring bumiyahe.

Sila ay kapwa mga Philippine passport holder.

Panibagong batch na mga OFW galing Lebanon at West Bank, nakauwi na sa Pilipinas

Samantala, Miyerkules ng gabi ay nakauwi na rin sa Pilipinas ang ikatlong batch na mga Pilipino mula Lebanon.

Ang mga naturang Pinoy repatriates ay binubuo ng siyam na overseas Filipino workers (OFW) na pawang mga sakay ng Qatar Airways Flight QR928 na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 3.

Ang pagbabalik ng mga OFW ay dahil sa tumitinding tensiyon sa pagitan ng Israel at ng militanteng grupong Hezbollah, isang militanteng grupong nakabase sa Lebanon na nakiisa sa Hamas.

Miyerkules din ng gabi nang dumating ang dalawang OFW na nakabalik sa bansa mula sa teritoryo ng West Bank ng Palestinian Authority sa gitna ng sagupaan sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group na Hamas.

Sila ang unang batch na dumating galing West bank.

Inanunsiyo na rin ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo C. Santos ang paghahanda ng mga Pilipino para sa kanilang kaligtasan dahil sa patuloy na karahasan na nagbabanta sa seguridad ng mga kababayan natin sa West Bank.

Ayon sa Embahada ng Jordan, nasa kabuuang 123 Pilipino ang nasa West Bank na binubuo ng 91 resident Filipinos na kasal sa mga Palestinian national, kanilang mga anak at apo, gayundin ang 9 na madre mula sa iba’t ibang relihiyon at 23 OFWs.

Bukod sa matatanggap na tulong ng mga umuwing OFW mula sa West Bank sa iba’t ibang ahensiyang ng gobyerno ay una na silang tumanggap ng mahigit P39-K.

Sa huling tala ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa kabuuang 19 na mga OFW ang nakabalik na sa Pilipinas mula sa Lebanon habang may kabuuang 184 OFW at pitong sanggol mula sa Israel ang napauwi na ng gobyerno ng Pilipinas at dalawang OFW naman mula sa West Bank.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble