MAKIKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa San Francisco, California mula Nobyembre 15-17, na siyang culmination ng isang taon na chairmanship at hosting ng US ng naturang leaders’ meeting ngayong taon.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Charles Jose na ang pagdalo ni Pangulong Marcos sa APEC Summit ay mahalaga para sa Pilipinas dahil ito ang nagsilbing pangunahing forum ng bansa para sa official engagements sa ibang economies sa Asia Pacific Region.
Ang Pilipinas ay isang founding member ng APEC noong 1989.
“This year’s APEC theme is “Creating a Resilient and Sustainable Future for All”. Throughout the year, APEC’s work focused on building sustainability, inclusivity and resilience toward a peaceful and prosperous APEC Region,” ayon kay Usec. Charles Jose, DFA.
Ibinahagi pa ni Jose na 11 sa nangungunang 15 trading partners ng Pilipinas ay miyembro ng APEC.
Idinagdag ng DFA official na ang APEC economies ay gumaganap ng malaking papel sa Pilipinas, na nag-aaccount ng 85 porsiyento ng kabuuang exports at imports ng bansa, at humigit-kumulang 56 porsiyento ng foreign direct investments na pumasok sa bansa.
Samantala, sinabi ni Usec Jose na ang tema ng APEC ngayong taon ay umaayon sa economic agenda ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.
“The Philippine Development Plan and the administration’s 8-point socioeconomic agenda envisaged on economic transformation for a prosperous, inclusive and resilient Philippines by prioritizing the creation of more quality and green jobs,” dagdag ni Jose.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na kabilang sa ilang matagumpay na resulta mula sa APEC work ngayong 2023 ay ang pagpapatibay ng mga kasunduan na magsusulong sa food security, energy security, human resource development, digitalization, at supply chain resilience.
Filipino Community sa LA, California at Honolulu, Hawaii, bibisitahin ni PBBM sa sidelines ng APEC Summit
Pagkatapos makilahok sa APEC Leaders’ Summit, magkakaroon din si Pangulong Marcos ng mga working visit sa Los Angeles, California at Honolulu, Hawaii kung saan makikipagpulong siya sa business leaders at Filipino Community doon.
Sinabi ni Usec. Jose na personal na bibisitahin ni Pangulong Marcos ang Filipino community sa sideline ng kaniyang pagdalo sa nasabing summit.
“I think on the 17th he will be leaving San Francisco for Los Angeles and then he’ll be meeting the Filipino community on the 18th, and then he will leave Los Angeles for Honolulu on the 18th and he will be meeting the Filipino community on the evening of the 18th,” ayon pa kay Jose.
Ang pagbisita sa Filipino community ay nakagawian na ni Pangulong Marcos sa tuwing siya ay naglalakbay sa ibang bansa para sa official business, tulad ng state visits, mga pagpupulong sa foreign business leaders, bilateral meetings sa international leaders, at iba pa.
Inihayag ng DFA official na ang pagbisitang ito ay magdaragdag ng layer of cooperation sa pagitan ng US at Pilipinas.