5 alkalde, inisyuhan ng show cause order kaugnay sa COVID-19 vaccine

LIMANG alkalde na ang napadalhan ng show cause order matapos maunang mabakunahan laban sa COVID-19.

Ayon ito kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III.

Sinabi ni Densing na kabilang sa pinagpapaliwanag ay sina Tacloban Mayor Alfred Romualdez, T’Boli Mayor Dibu Tuan, Sto. Nino, South Cotabato Mayor Sulpicio Villalobos, Legazpi City Mayor Noel Rosal at Bataraza Mayor Abraham Ibba.

Una nang iginiit ng Department of Health (DOH) na tanging mga health care workers ang dapat maunang mabakunahan batay sa priority list ng gobyerno.

(BASAHIN: Marikina City Mayor Marcy Teodoro, hinarang ng DOH na mabakunahan ng Sinovac vaccine)

Romualdez, handang harapin ang imbestigasyon ng DILG

Sinabi ni Mayor Alfred Romualdez na handa itong harapin ang kahit anong imbestigasyong isasagawa ng DILG matapos nitong paturukan ang sarili nito laban sa COVID-19 bago pa man ang mga health worker ng Tacloban City.


Ani Romualdez, kung may nilabag man siyang kahit ang patakaran ay nakahanda itong harapin ang kahit na anong parusa at iniisip niya lamang ang kapakanan ng kanyang mga residente.

Nauna nang sinabi ni Romualdez na kaya ito naunang magpabakuna laban sa COVID-19 ay upang mawala ang takot ng kanyang mga residente mula sa pagpapabakuna.

Ayon naman kay City Administrator Aldrin Quebec, ang bakunang ginamit kay Romualdez ay “excess” lamang ng mga vaccine na ibinigay para sa city health workers.

SMNI NEWS