TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakakilanlan ng 5 pang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 8 iba pa.
Ito ang inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame.
Ayon kay Fajardo, may sinusundan na silang “credible lead” sa kinaroroonan ng mga suspek.
Batid aniya ng mga suspek ang kakayahan ng kanilang mastermind at hindi malayong ipapatay rin sila kaya mainam kung susuko na sila sa awtoridad.
Napag-alaman din na ginawa ang grupo para lamang patayin si Degamo at kabilang sa kanilang plano ay tambangan o gumamit ng sniper laban sa gobernador.
Patuloy naman na paghahanda ng awtoridad sa kaso upang matiyak na magiging “airtight” ito.
Samantala, sinampahan ng panibagong reklamo na illegal possession of firearms and explosives si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at kaniyang dalawang anak kaugnay ng raid sa kaniyang bahay sa Bayawan City noong nakaraang linggo.