6 na mangingisdang Pinoy na biktima ng pang-aabuso sa Namibia, nakauwi na sa bansa

6 na mangingisdang Pinoy na biktima ng pang-aabuso sa Namibia, nakauwi na sa bansa

TINULUNGAN ng OFW Party-list ang anim na mangingisdang Pinoy na biktima ng pang-aabuso sa Namibia.

Huwebes  ng gabi, balik-bansa na ang anim na Pinoy fisherman mula Namibia na tinulungang makauwi ng OFW Party-list, katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Embassy sa Pretoria, Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Humingi ng tulong ang anim na mangingisdang Pinoy sa OFW Party-list sa pamamagitan ng isang radio show na maiuwi sa Pilipinas ang mga ito dahil sa labor violation ng kanilang employer.

Ayon sa mga naturang Pinoy, una silang pumirma ng isang taong kontrata sa isang manning agency sa Pilipinas, ngunit ang kontrata ay hindi nasunod.

Sa halip, umabot sa halos isang taon at anim na buwan na silang naninirahan sa Namibia.

Dagdag pa nila sa nakasaad na kontrata, USD310 bawat buwan ang dapat nilang matanggap na suweldo pero nasa USD150 ang halagang ipinadala sa kanilang mga pamilya.

Bukod pa dito may dalawang buwan pang delay ang kanilang suweldo.

Sinabi umano ng ahensiya sa mga mangingisda na matatanggap lamang nila ang kanilang buong sahod kapag natapos na ang dalawang taong kontrata.

Gayung isang taon lamang ang kanilang pinirmahang kontrata.

Ayon naman kay OFW Party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino, nasa kabuuang 41 na ang napauwing Pinoy fisherman ng kanilang tanggapan mula Namibia.

Kinukuwestiyun din ng mambabatas kung bakit pinapayagan ng kanilang manning agency ang ganitong uri ng pang-aabuso.

“In total, we have already repatriated 41 fisherfolks from Namibia who suffered similar abuses amounting to human trafficking violations. Why do we allow these manning agencies to continue sending Filipino fisherfolks to problematic employers in Namibia? Moreover, based on the accounts of our Filipino fisherfolks, the manning agencies are also violators on non-payment of wages. Ngayon na mayroong one-strike policy ang DMW laban sa recruitment agencies and manning agencies, dapat masampolan itong mga manning agencies na nagpapadala sa ating mga kababayan sa mga abusadong empleyado at hinahayaan lang sila kahit na nalalagay sa alanganin ang kaligtasan at kapakanan ng mga ni-recruit nila. Mahalaga din tugunan ng DMW ang puno’t dulo ng problema sa sistema na nagpapahintulot sa ganitong pang-aabuso,” pahayag ni Marissa “Del Mar” Magsino.

Samantala plano rin ng kongresista  na magsagawa ng policy dialogue sa mga recruitment agencies at manning agencies ngayong Hulyo para matukoy ang mga pagkukulang sa kasalukuyang policy framework na namamahala sa recruitment at employment ng mga OFW at sa kanilang responsibilidad sa pagsubaybay at pagtulong sa mga manggagawa na pinapadala sa ibang bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter