INAASAHAN ng International Olympic Committee (IOC) na nasa 6,000 atleta lamang ang makikilahok sa opening ceremony ng Tokyo Summer Games.
Mas mababa ito ng higit kalahati kumpara sa orihinal na bilang dahil sa mahigpit na ipinapatupad ng Olympic organizers ang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Plano ng IOC na bawasan ang bilang ng mga lalahok sa ceremony dahil ang mga atleta ay hindi maaaring makapasok sa Olympic Village limang araw bago ang kanilang kompetisyon at kailangan ding umalis ng mga ito dalawang araw matapos ang kanilang event.
Ang pinakahuling pagtaas ng kaso ng COVID-19 infections sa Japan ay nagdulot ng duda sa hinaharap ng Tokyo Olympics na nauna nang ipinagpaliban noong nakaraang taon.
Ang kahit na anong kanselasyon o pagpapaliban sa event ay maaaring makapagdulot ng financial burden sa IOC dahil nanggagaling ang kita nito mula sa pagbebenta ng television rights para sa mga major sporting event.