NASA mga mayayamang bansa na ang malalaking bahagi ng global supply ng COVID-19 vaccine ayon sa inilahad ni Philippine Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa pagdinig sa Senado nitong Lunes.
Kasama ang iba pang mga bansa, sinusubakan aniya ng Pilipinas ang lahat ng makakaya na makipagnegosasyon sa iba’t ibang vaccine companies upang makakuha ng patas na bahagi ng natitirang 18% ng global supply.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Pilipinas ani Galvez sa pito hanggang walong vaccine companies upang makapagbili ng hanggang 148 milyong dosis.
Target ng bansa na makapagbakuna ng 50 hanggang 70 milyong katao, ngunit paglilinaw ni Galvez dahil sa restriksyon sa supply ng bakuna maaaring magkaroon ng kakulangan sa una o pangalawang quarter ng 2022.
Aniya pabagu-bago ang supply ng bakuna sa global market ngunit kung may pagkakatong makakuha ng higit pa ay hindi ito palalampasin ng pamahalaan.
Paglilinaw rin ng chief implementer ng National Task Force against COVID-19 na ang pangunahing bakuna na magiging available sa bansa ay ang dini-develop ng US firm na Novavax.