KINUMPIRMA ng dating presidente ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Incorporated (FFCCCII) na isang negosyante ng steel company na Chinese ang biktima ng kidnapping sa bansa.
Ang nakababahala pa aniya diyan, isa lamang ‘yan sa 10 Chinese nationals na kinidnap simula noong Enero.
“Kidnapping is still a problem. Medyo concern sa amin ‘yan mga locals kasi local businessman na ang tina-target ‘yun ang ayaw namin ‘yan. So, we want this to be addressed as soon as possible,”ayon kay Dr. Cecilio Pedro, President & CEO, Lamoiyan Corporation | Former President, FFCCCII.
Binibigyang-diin ni Dr. Pedro na kailangang matigil at masugpo ang mga nasa likod ng mga insidenteng ito, na maaaring makaapekto sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa kanya, mas delikado pa ang mga biktima ng kidnapping dahil natatakot silang magsalita sa korte, kaya’t madalas ay hindi natutuloy ang kaso.
“How do we address this? I’m all for restoring death penalty for kidnappers. ‘Yan ‘yung solution diyan eh. Ang China, kapag nahuli ka ng kidnapping, isang bala ka lang papatayin ka dun. So, walang kidnapping sa China,” ani Pedro.
Sa kabila ng mga ulat ng kidnapping, harassment, at pagtaas ng tensiyon sa seguridad, nagpalabas din ng safety advisory ang Ministry of Foreign Affairs ng China para sa mga Chinese citizens sa Pilipinas, pinaalalahanang mag-ingat at umiwas sa matataong lugar at mga pagtitipong pampulitika.
Dagdag pa ni Dr. Pedro, nawawala ang tiwala ng foreign investors sa Pilipinas kapag hindi natutugunan ang mga insidente ng kidnapping.
“They want to invest in the Philippines. What are the requirements from us? Peace and Order, kailangan sigurado at tahimik at hindi sila delikado. Ayaw namin ng kidnapping, ayaw namin ng gulo,” aniya.
Takot sa krimen at kawalan ng peace & order, malaking red flag sa foreign investors—dating senadora
Para naman sa isang dating senadora, ang takot sa krimen at kawalan ng peace and order ay isang malaking red flag para sa mga investor.
“‘Yung ibang bansa inaalis na nga ang visa requirements para sa mga Chinese. Ang kailangan natin ‘yung foreigners na pupunta rito, hindi lang mga Chinese, kundi lahat ng mga nais mamuhunan,” wika ni Nikki Coseteng, Former Senator, Republic of the Philippines.
Habang bukas ang Pilipinas sa foreign investment, malinaw na kailangang resolbahin ang isyu ng kidnapping at panatilihing ligtas ang mga mamumuhunan at turista. Ayon sa isang security strategist, kailangan agad na tugunan ang isyung ito upang mapanatili ang tiwala ng international business community.
“They still want to invest in the Philippines but we need to understand that their prime consideration is peace and order. We need to improve our way of promoting the Philippines to really attract investors,” saad ni Prof. Rommel Banlaoi, President, Philippine Society for International Security Studies.