ISANG explosive eruption ang naitala sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island nitong Martes ng umaga, Abril 8, 2025 ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules, nasa mahigit 12,000 pamilya o mahigit 48,000 indibidwal ang apektado ng pagputok ng Mount Kanlaon.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na ang nasabing bilang ay naitala mula sa 28 barangay sa Regions 6 at 7.
Mahigit 2,600 pamilya o lagpas 8,300 indibidwal naman ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center.
Dagdag ni Dumlao, mula nang pumutok ang Mt. Kanlaon ay nagbabahagi na ng tulong ang ahensya at ito’y nagpapatuloy.
“Meron na rin tayong naipamahagi na mahigit 131 million na humanitarian assistance. Again, iyan ay pinapalooban ng food and non-food items and of course ‘yung financial assistance,” saad ni Assistant Secretary Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.
Ibinahagi pa ng opisyal na mayroon nang naka-preposition na 250,000 family food packs sa Region 6 at Region 7. Nasa mahigit 80,000 naman ang nasa warehouse ng Negros Island.
Tiniyak din ng ahensiya ang pagkakaloob ng psychosocial first aid sa mga apektado lalo na sa mga bata, at ang pagbibigay ng angkop na tulong sa mga matatanda, kababaihan, at persons with disabilities (PWDs).
“At the same time, tinitiyak din natin na ang alternative learning activities at play therapies ay maisasagawa rin doon sa mga bata para maibsan ang stress at trauma na nararanasan nila as a result of this continued activities ng Mt. Kanlaon,” ani Dumlao.
Samantala, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan para mailikas ang mga residente na nakatira sa loob ng permanent danger zone.
“Napakahalaga ng buhay kung kaya dapat tayo’y makipag-ugnayan sa ating mga lokal na opisyal. Makinig sa mga abiso ng mga ahensiya ng pamahalaan. Kung kinakailangang lumikas, ay ating isagawa,” aniya.
Una nang nanawagan ang PHIVOLCS sa mga nakatira malapit sa Mount Kanlaon na pairalin ang ibayong pag-iingat.
“Pakiusap po natin na manatiling alerto at iwasan po nila ang pagpasok sa loob ng six-kilometer danger zone. And they have to listen sa advisories coming from their LGUs and of course, coming from our office, sa PHIVOLCS,” pahayag ni Teresito Bacolcol, Director, PHIVOLCS.
Samantala, nananatili ang Alert Level 3 sa bulkan, na nangangahulugang may magmatic unrest o aktibidad na maaaring magdulot ng mas malalakas pang pagsabog.