Alice Guo, humarap sa DOJ para sa reklamong perjury, falsified by a notary public

Alice Guo, humarap sa DOJ para sa reklamong perjury, falsified by a notary public

HUMARAP sa unang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para sa mga reklamong inihain laban sa kaniya gaya ng perjury at falsification by notary public.

Ang mga reklamong ito ay nag-ugat sa notaryong nakalagay sa counter affidavit ni Guo na inihain noon sa DOJ.

Nailagay umano ang notaryo gayong wala naman si Guo noon sa Pilipinas at walang nangyaring physical appearance sa bahagi niya.

Ayon sa abogado nito na si Atty. Stephen David, nakapaghain na sila ng kontra salaysay at ipinababasura nila sa DOJ ang mga naturang reklamo.

“Nakapag-submit kami ng counter affidavits so physically tapos na ang Preliminary Investigation in our part except kung magreply ang kabila sasagutin naming.”

“Depensa namin na hindi siya dapat makasuhan ng falsification because unang-una dahil wala naman siya dito. Papaanong, ano ang participation niya sa notarization na iyon?”

“Wala akong nakikitang falsification kasi siya naman ang pumirma dahil siya naman ang pumirma. Ngayon kung sino ‘yong nagnotaryo, iyon ang dapat tanungin natin,” ayon kay Atty. Stephen David, abogado ni Alice Guo.

Si Alice Guo ay una nang nahaharap sa human trafficking case at kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail.

Kamakailan ay sinampahan naman ito ng Commission on Elections (COMELEC) ng kasong paglabag sa Omnibus Election Code sa Tarlac RTC dahil sa material misrepresentation matapos nitong panumpaan sa kaniyang certificate of candidacy noong 2022 na isa siyang Filipino pero lumalabas sa imbestigayon ng komisyon na isa itong Chinese citizen.

Samantala, bigo namang makapasumite ng kontra salaysay sa preliminary investigation ng DOJ ngayong araw ang kampo ni Cassandra Ong para sa reklamong human trafficking na inihain laban sa kaniya.

Ito ay dahil na rin sa supplemental complaint na gustong ihain ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Guo.

Pero dahil hindi umano nakasipot ang testigo sa supplemental complaint ngayong araw ay ni-reset ang submission nito sa Nobyembre 18.

Ayon sa abogado ni Ong na si Atty. Raphael Andrada, kahit pa nakahanda na silang maghain ng counter affidavit ngayon ay kailangan nilang hintayin muna ang ihahaing supplemental complaint ng CIDG para makagawa ng depensa sa mga panibagong alegasyon ng mga ito.

“Earlier, it was supposed to be the submission of the counter-affidavits, but the PNP-CIDG apparently have supplemental complaints to submit.”

“Now, unfortunately today, the witnesses and the supplemental complaint of the PNP-CIDG were not present.”

“So, the honorable panel of prosecutors reset the submission of the supplemental complaint to November 18.”

“We have to go through it first and see if there are any new allegations, so most likely, we will be submitting our counter-affidavits on the next set,” saad ni Atty. Raphael Andrada, abogado ni Cassandra Ong.

Si Ong ay ang tumatayong authorized representative ng Lucky 99 South na ni-raid ng mga awtoridad dahil umano sa ilegal na operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble